261 total views
Apat na raan at limampung mga bata mula sa Tulay ng Kabataan Foundation ang bibinyagan ng kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ito ay isasagawa sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral sa ika-28 ng Septyembre, araw ng Sabado.
Ayon kay Fr. Matthieu Dauchez, executive director ng Tulay ng Kabataan, malimit na hindi nakatatanggap ng sakramento ang mga mahihirap na kabataan lalo na ang mga batang lansangan.
Batid ng pari ang pag-iisip ng mga mahihirap na pamilya na may bayad ang pagtanggap ng mga sakramento.
Naniniwala si Fr. Dauchez na kung hindi madadala ang mga kabataan palapit sa Diyos, kaya’t ang simbahan na ang gagawa ng paraan upang lumapit sa mga mahihirap at ipakilala ang Panginoon.
“When it is so difficult to bring our wounded children close to God, it is, on the opposite, very easy to bring the Lord to them through Sacraments,” dagdag pa ng pari.
Ang Tulay ng Kabataan Foundation ay isang institusyon na tumutulong sa mga batang kalye, inabandona, mga biktima ng pang-aabuso at nagsisilbi bilang kanilang tahanan.
Simula taong 1998 umaabot na sa 55-libong mga kabataan sa Metro Manila ang natulungan ng Tulay ng Kabataan sa 37 centers nito.
Nakalikha na rin ito ng limang programang naglalayong ibalik ang dignidad ng mga batang lansangan, at mga matatandang inabandona ng kanilang kaanak.
Noong 2017, 400 mga kabataan ang na binyagan sa pagtutulungan ng Archdiocese of Manila at Tulay ng Kabataan Foundation.
Upang patuloy na makatanggap ng Sacramento ang mga mahihirap na mananampalataya, pinag-aaralan ng Archdiocese of Manila ang buong pagpapatupad ng pag-aalis sa Arancel system, o ang pagbibigay ng exact rate sa mga serbisyo ng simbahan tulad ng pagtanggap ng mga Sakramento.