220 total views
11:18AM
Hiniling ni Healing Priest Reverend Father Joey Faller sa mamamayan na paigtingin ang pananalangin laban sa kumakalat na corona virus disease kasabay ng ibayong pag-iingat.
Sa panayam ng Radio Veritas, binigyang diin ni Fr. Faller na higit kinakailangan ang sama-samang pagdarasal bilang mabisang panlaban sa anumang uri ng pagsubok na kakaharapin sa buhay.
“The most important of all is we need to pray intensely; as a community we need the power of intercession believing that God has a beautiful plan at kailangan tayo ay nakakapit sa kanya,” pahayag ni Fr. Faller sa Radio Veritas.
Paliwanag ng healing priest lahat ng suliranin ay may solusyon at maaring ang COVID 19 ay pagsubok lamang sa buong mundo na malulupig kung magkaisa ang mamamayan sa pag-iingat.
Inilarawan ng pari na sa kabila ng anunsyo ng Department of Health na may local transmission ng COVID 19, hndi pa rin natitinag ang mga deboto na nagtungo sa Kamay ni Hesus kung saan nitong Linggo ay nasa 40, 000 ang dumalo sa mga healing masses sa lugar.
Ayon kay Fr. Faller, ito ang wastong pagkakataon na higit lumapit ang tao sa Diyos upang hingin ang habag at awa.
Pinayuhan naman ng Pari ang mamamayan na pairalin ang mga panuntunan ng pag-iingat upang makaiwas sa pagkahawa.
“I think this is the time, the more we need to go to the church but just be on guard all the time and have the precaution,” saad ni Fr. Faller.
Batay sa tala ng Department of Health, sampu na ang nagpositibo sa COVID 19 sa Pilipinas habang mahigit sa isandaang libo na ang infected sa buong mundo partikular sa limampung mga bansa.
Dahil dito pinaalalahanan ni Fr. Faller ang mananampalataya na ugaliing magsuot ng face mask ang mga may karamdaman lalo na kung ubo at sipon, gumamit ng sabon sa paghuhugas ng kamay, magdala ng alcohol upang ma-sanitize ang sarili anumang oras, matulog at kumain sa wastong oras upang mapanatiling malusog ang pangangatawan para makaiwas sa COVID 19.
Tiniyak ng pari na nagpapatuloy ang mga gawain sa Kamay ni Hesus tulad ng mga healing mass subalit mahigpit ding ipinatutupad ang pag-iingat sa kalusugan ng mga deboto.
“Tuloy-tuloy pa rin ang mga gawain, maliban lamang mayroong protocol o guidelines from CBCP or the local bishop, we will abide the rules,” giit ni Fr. Faller.