422 total views
Patuloy na binibigyan ng ayuda ng Caritas Manila ang mga jeepney driver na apektado ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic sa Metro Manila.
Ayon kay Caritas Manila executive director Fr. Anton CT. Pascual, napakahalaga ng misyon ng Simbahan na ipinapaalala ng World Mission Sunday na pagtutulungan upang maibsan ang kahirapan at kagutuman ng mga dukha sa bansa.
Inihalimbawa ng pari ang mga jeepney driver na ngayon ay nahaharap sa iba’t-ibang suliranin dahil sa krisis na dulot ng pandemya sa sektor ng pampublikong transportasyon na mas lumiit pa ang kita dahil sa social distancing.
“Ito nga napakahalaga nga ng ginagawa ng Caritas Manila na kawanggawa upang maibsan ang kagutuman ng ating mga kababayan ngayong panahon ng pandemya. Lalung-lalo na itong mga jeepney drivers at ang kanilang pamilya kasi di nga sila makalabas. Kung makalabas man ay maliit lang ang kita dahil sa distancing,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radyo Veritas.
Ibinahagi rin ni Fr. Pascual ang patuloy na isinasagawang pag-aaral ng Caritas Manila kaugnay sa binabalak na paglikha ng isang kooperatiba para sa mga jeepney drivers na malaki ang maitutulong upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Bahagi ng layunin ng pagbubuo ng kooperatiba ng Caritas Manila ay upang matulungan ang mga jeepney drivers na makapag-ipon, makapag-loan at magkaroon ng modern jeepney na bahagi ng modernization program.
“Tayo’y nagbabalak na sumuporta sa mga jeepney drivers, magtayo ng isang malaking kooperatiba para matulungan nga sila sa pagbili ng bagong jeep na siyang requirement ng gobyerno. Pero kailangang magkaisa ang mga drivers. Sabi nga may 55-libong driver operators at kung merong tatlong driver na umeextra, siguro meron tayong mahina 200-libong drivers sa Metro Manila lang na jeepney. Napakalaking pwersa n’yan para magpalaki tayo ng isang kooperatiba, dun na sila humiram ng jeep, dun na sila mag-ipon, dun na sila mangutang at ‘pag kumita ang kooperatiba, hati-hati pa sila,” ayon sa kay Fr. Pascual.
Ayon kay Caritas Manila Special operations head Fr. Moises Ciego, bagama’t naaantala ang pagpapatupad ng nasabing kooperatiba ay patuloy pa rin itong pinag-aralan ng mga manager upang mas maging epektibo at maraming matulungan na mga jeepney driver.
Katuwang din ng Caritas Manila sa pamamahagi ng tulong sa mga jeepney drivers sa Metro Manila ang Caritas Kalookan at Caritas Cubao.
CARITAS MANILA AT CARITAS KALOOKAN
Pagbabahagi ni Caritas Kalookan in-charge Fr. Marcelo Andamon, Jr. OMI, umabot sa mahigit 1,900 jeepney drivers na naapektuhan ng pandemya maging ng jeepney modernization project ng pamahalaan ang natulungan ng Caritas Manila katuwang ang Caritas Kalookan.
Nagpahayag rin ng pasasalamat ang pari sa tulong na ibinahagi ng Caritas Manila sa Diocese ng Kalookan maging sa mga tumulong na donors na naghahatid at nagpapakita malasakit para sa mga higit na nangagailangan na apektado ng pandemya.
“Nagpapasalamat po tayo sa Caritas Manila sa kanilang malasakit para sa Diocese ng Kalookan. Sa ngalan po ng ating mahal na obispo, Bishop Pablo David, nagpapasalamat po ako sa lahat ng donors natin na kung saan, sa kongkretong paraan ay ipinakita po nila ang kanilang malasakit sa mga drivers po natin at marami na po tayong natulungan,” ayon kay Fr. Andamon.
CARITAS MANILA AT CARITAS CUBAO
Ibinahagi rin ni Cubao Social Action Director Fr. Ronnie Santos na mas epektibo at malawak ang naipapaabot na tulong ng Simbahan para sa mga jeepney drivers na hindi makapamasada at walang kinikita sa pamamagitan ng pagtutulungan ng dalawang social action arm ng mga diyosesis.
Sinabi ng Pari na hindi lamang ayuda ang hatid ng Simbahan kun’di maging ang pagbabago ng kaisipan sa pagpapalaganap ng kooperatiba at plant-based diet na nagtataguyod ng pagkakaroon ng malusog at masustansyang paraan ng pamumuhay.
“Kasi sila po ‘yung mga wala pang pasada at yung iba ay bago pa lamang bumabangon. At kailangang-kailangan nila ng suporta ng simbahan kaya ang ganda po ng ginagawa ng Caritas Manila, Caritas Cubao, hindi lang po ayuda ang ibinibigay kung hindi pagbabago ng mentalidad, pagbabago ng kaisipan kasi we are promoting kooperatiba and also plant based diet para po hindi tumigil sa pangangarap ang mga mahihirap, nangangailangan,” ayon kay Fr. Santos.
Nagpasalamat din sa Caritas Manila si Fr. Victor Angelo Parlan, parochial vicar ng Diocesan Shrine and Parish of Saint Joseph sa Project 3, Quezon City sa ipinamahaging tulong ng Caritas Manila sa mga tsuper ng jeep.
“Sa ngalan po ng pamayanan namin dito sa St. Joseph Shrine at ‘yung mga barangay na nasasakupan namin dito, nais naming magpasalamat sa mga generous benefactors at donors na patuloy na sumusuporta sa mga programa ng Caritas Manila. Lalo na dito sa amin na maraming jeepney drivers na halos kalahating taon na natengga ‘yung kanilang pasada, sila talaga ‘yung kumbaga yung priority ng aming mga tinutulungan.” ayon kay Fr. Parlan
Lubos din ang pagpasalamat ng Pangulo ng mga jeepney driver association sa Project 2 at 3 na si Sonny Bernardo, sa ipinamahaging tulong ng Caritas Manila.
Ayon kay Bernardo, napakalaking bagay ng tulong na ito sa bawat jeepney drivers na higit na naapektuhan ng pandemya mula ng ipinatupad ang lockdown noong buwan ng Marso.
“Napakasarap po na kami po’y makatanggap ng tulong galing po sa Caritas Manila kasi malaking bagay po sa mga pamilya namin ‘tong naibigay na tulong sa amin. Sa mga donors naman po, laking pasalamat po namin sa kanila. at sana po sa susunod, matulungan pa po kami ulit kasi ang hanapbuhay po namin ngayon ay hindi po talaga sustainable. kumbaga, 50% lang ang karga ng jeep namin, na halos di po kami makaboundary. maka-boundary man po kami, kikita kami kakapiranggot lang po.,” ayon kay Bernardo.
Sa tala, 120 jeepney drivers ang natulungan ng Caritas Manila na may rutang MCU-Sangandaan sa Kalookan; 170 drivers mula sa grupong Piston na may rutang Project 2 at 3 sa Quezon City; at 240 drivers naman mula sa grupong BASICANO sa Camarin, North Caloocan.
Nabigyan din ng ayuda ng Caritas Manila ang mga jeepney driver sa Tondo, Navotas, Taguig at Pasay City.