226 total views
Hangad ngayon ng Caritas Manila na ipagtuloy ang programa para sa pagtatayo ng mga 3-in-1 chapel sa iba’t ibang lalawigan sa Luzon na nasira ng bagyong Ompong.
Ayon kay Father Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila at pangulong Radio Veritas, may 74 na 3-in-1 chapel na ang ipinatayo sa Leyte at Samar matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Yolanda noong 2013.
“Matibay ang ating chapels sa Visayas yung tinamaan ng Yolanda 3-and-1 ‘yan. Kahit ang tinamaan ng bagyong Sendong sa Visayas at Mindanao matibay na ang mga chapels natin na puwedeng gamitin evacuation center may mga CR yan it can withstand 250 kph, strong winds hanggang 250 kph nasubukan na ‘yan. At ‘yan ang gusto nating replicate sa mga lalawigan,” ayon kay Fr. Pascual.
Sa kasagsagan ng bagyong Ompong ilang mga simbahan din ang nasira ng bagyo lalu na sa Hilagang Luzon na naglandfall noong Sabado ala-una kuwarenta ng madaling araw.
Kabilang sa mga nasirang simbahan ay ang St. Michael Archangel sa Gattaran, Cagayan.
Sinabi ni Father Pascual na ang 3-and-1 chapel ay maaring gamitin bilang simbahan, training centers at evacuation centers kapag may kalamidad at may kakayahang tumagal sa lakas ng hangin na 240 kilometro kada oras.
Idinagdag ni Father Pascual na nagpagawa na rin ang Caritas Manila sa Tagum sa Mindanao ng malaking bodega, training center, ambulansya at ang 40ft. container van na maaring gamitin sa mga rescue operations.
“It can go anywhere in Mindanao. Meron syang mobile clinic, office at rescue natin at magre-replicate din tayo sa Visayas,” dagdag pa ng pari.
Naunang nagpadala ng isang milyong pisong tulong ang Caritas Manila sa mga diyosesis na higit na naapektuhan ng bagyong Ompong sa Luzon.
Read: Caritas Manila, nagpadala ng 1-milyong pisong ayuda sa mga Diyosesis na tatamaan ng bagyong Ompong