200 total views
Hinikayat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na magbigay ng tulong sa mga nasalanta sa Visayas at Mindanao dulot ng magkasunod na bagyong Urduja at Vinta.
Sinabi ni Cardinal, nawa ngayong Pasko ay maging bahagi ang bawat isa na maging daluyan ng kabutihang loob ng Panginoon sa mga nangangailangan lalu na ang mga naapektuhan ng bagyo.
“Kapag Pasko po ay ating ipinagdiriwang ang kabutihang loob ng Panginoon sa ating lahat. Pero hindi po kumpleto ang Pasko kapag meron tayong nakakalimutang mga tao, lalu na po ‘yung sa ating sitwasyon sa Pilipinas, kadaraan lang po ng bagyong Urduja na tumama sa Samar at Leyte. At ngayon po sa Mindanao, ang bagyong Vinta. Tayo pong lahat ay pinaramdaman ng Diyos ng kagandahang loob, nararapat lamang na maging daan tayo ng kagandahang loob lalo na sa mga kapatid nating nangangailangan na nawalan po hindi lamang ng bahay at hanapbuhay kundi ng mga mahal sa buhay,” ayon kay Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang mga tulong ay maaring ipadala sa mga parokya, social action centers ng bawat diocese at sa Caritas Manila.
“Kaya pakiusap po namin sa paskong ito at darating pang mga araw, kahit lagpas pa ang bagong taon, tayo po ay tumulong sa ating mga kapatid lalo na po sa Visayas at Mindanao. Pakilapit po sa mga parokya, sa mga social action centers ng mga diocese, at kami po sa Caritas Manila ay handa rin tumanggap ng inyong tulong na aming ipapadala sa iba’t ibang mga simbahan at diyosesis sa Mindanao. Para ninyo na pong awa ang Pasko ay panahon na isaisip at tumulong sa kapwa katulad ng ginawa ng Diyos sa pagsisilbi Niya sa atin. Maging maligaya ang Pasko sa pagtulong sa kapwa,”
Sa Vatican, nagpaabot rin ng kaniyang panalangin ang Santo Papa Francisco para sa mga biktima ng bagyo sa Pilipinas.
“I want to offer my prayers to the population of the island of Mindanao, in the Philippines, hit by a storm that has caused numerous victims and destruction. Merciful Lord, take in the souls of the dead and comfort those who are suffering as a result of this calamity. Let’s pray for these people,” ang mensahe ng Santo Papa sa isinagawang Angelus sa St. Peter Square.
Sa pinakahuling ulat, 182 na ang nasawi sa bagyong Vinta habang 153 katao pa rin ang nawawala dahil sa bagyong Vinta.
Apatna-pung libo katao rin ang nagsilikas at pansamantalang nasa mga evacuation centers dulot na rin ng pagtaas ng tubig at mga pagguho ng lupa.