265 total views
March 25, 2020, 11:32AM
Nagpabatid ng kanyang pakikiisa at pasasalamat ang dating arsobispo ng Maynila para sa “church media” na patuloy na naghahatid ng Mabuting Balita ng Panginoon sa kabila ng panganib na dulot ng Corona Virus pandemic.
Ayon sa Kaniyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle, Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples, nagsisilbing daluyan ang Radyo Veritas, TV Maria at Social Communications Ministry ng mga parokya na ihatid ang Mabuting Balita sa mananampalataya.
“Salamat sa pagiging daluyan ng pagmamahal, malasakit, pagdamay at pag-asa sa mga kababayan natin, lalo na ang mga maysakit, nangangaba at nangungulila. You are in my prayers. Stay well, safe and joyful. This crisis makes us bow before the only and truly Mighty One. No virus can stop God’s love from spreading. At kayo ang “carriers” ng pag-ibig ng Diyos sa oras na ito,” ayon sa ipinadalang mensahe ni Cardinal Tagle.
Ito ay sa pamamagitan ng Radyo, Telebisyon at Live streaming ng mga misa lalu’t hindi pinahihintulutan ang mga misa sa mga parokya bilang pag-iingat na higit pang lumaganap ang sakit.
Live na mapapakinggan sa Radio Veritas846 at Veritas846.ph ang tatlong misa kada araw, tuwing alas-6 ng umaga, alas-12 ng tanghali at alas-6 ng gabi at mga kaganapan sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas at ibayong dagat.
Tiniyak din ni Cardinal Tagle ang pananalangin para sa kaligtasan ng bawat isa gayundin ang kahilingan na ipanalangin ang mga Filipinong malayo sa kanilang mga pamilya.
“Ipagdasal ninyo kaming malayo sa bansa at aming mga pamilya. May mga kababayan tayo sa Italy na nababawasan o nawawalan ng trabaho. Ipagdasal ninyo ang kaligtasan at kalusugan ng lahat. Matutuwa kayo dahil tuloy ang pagtutulungan, pananalangin at pagngiti ng mga Pilipino sa gitna ng pagsubok na ito,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Si Cardinal Tagle, kasama ang higit sa 50 mga pari sa Italya ay nagsasagawa rin ng online mass na mapapanood sa facebook page ng Pontificio Collegio Filipino.
Sa kasalukuyan ay ang Italya ang higit na apektado ng COVID-19 pandemic kung saan may 60 ng mga pari lalu na mula sa Diocese ng Bergamo, Lombardy ang nasawi dulot ng pagkahawa mula sa sakit.