198 total views
Nananawagan ang Diocese ng Legazpi sa mamamayan ng Albay na buksan ang tahanan para sa mga lumilikas na residenteng apektado ng pagliligalig ng bulkang Mayon.
Ang Hararung na Pagrangan sa Orag o Harong (bahay) program ay nangangahulugan sa tagalog na ‘malalim na pagkalima sa mga nangangailangan’ na unang inilunsad noong 2014, ang pinakahuling naitalang pagsabog ng Mayon.
“Ito ay isang volunteer shelter program in private homes. Una nang nagbukas ang mga parokya Kinakampanya po natin, lalu na sa mga residence surrounding or nearby evacuation centers na magpatuloy sa mga evacuees sa kanila para ma-decongest at maimprove ang well being ng mga evacuees lalu na sa most vulnerable affected population,” paliwanag ni Fr. Arjona.
Una na ring nagbukas ng kanilang pintuan ang mga parokya sa diyosesis na siya ngayong nangangalaga sa mga matatanda, buntis, may mga batang maliliit at mga may kapansanan na evacuees.
Sa kasalukuyan-umaabot na sa higit 8,000 ang mga lumikas o katumbas ng 34,000 indibidwal na inaasahan pa ang pagtaas ng bilang lalu’t kinakikitaan pa ng patuloy na lava flow ang bulkan.
Bukod sa mga pagkain, sinabi ni Fr. Arjona na sa kasalukuyan ay nangangailan sila ng mga kumot, banig, at kulambo para sa mga evacuees.
“Mas nauna na ring may ginagawa ang mga parokya. Nagsimula na sila ng soup kitchen at nagbukas na rin sila ng kanilang facilities- churches, pastoral centers para sa mga mas vulnerable na evacuees yung mga pregnant and lactating mothers, PWD’s, elderly,” ayon pa kay Fr. Arjona.
“What we are doing in Social Action ay we are securing for blankets and mosquito nets especially dahil maulan at malamig at sleeping mats ito ngayon ang aming priority at this time. So humihingi din kami sa mga tao kung mayroon kayong mga ganito, huwag munang clothes,” ayon kay Fr. Arjona.
Una na ring nagbabala ang Phivolcs na nanatili ang banta ng pagsabog ng Mayon na maaring maganap sa loob ng ilang araw o ilang linggo.
Hiniling din ni Fr. Arjona sa mga residente ang pahahanda at patuloy na pananalangin para sa kaligtasan ng lahat.