630 total views
Tila nagkakaroon na ng ‘Breakdown ng Peace and Order’ sa bansa kaugnay ng patuloy na insidente ng pagpaslang.
Ito ang pagninilay ni Fr. Anton Pascual, pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng Caritas Manila sa panibagong insidente ng pagpatay sa Alkalde ng Nueva Ecija at Alkalde ng Tanauan,Batangas.
“Kapag nagbabasa ka ng diaryo lalu kang natatakot sapagkat araw-araw maraming napapatay. At ang pinapatay hindi mga ordinaryong tao mga Mayor, mga Pari. Anong nangyayari sa bansang Pilipinas, mukhang there is a breakdown of Peace and Order,” ayon kay Fr. Pascual.
Hinikayat naman ni Father Pascual ang bawat isa na patuloy na ipanalangin ang Pangulo para bigyang tuon ang ‘Peace and Order’ sa bansa.
Sa hiwalay na pahayag, naniniwala naman si UP law Professor Atty. Florin Hilbay-dating Solicitor General na hindi kasama sa ‘priority’ ng Pangulong Duterte ang paglutas sa mga kaso ng mga pagpaslang sa bansa.
“Parang hindi concern ng pangulo na lutasin ang problema dahil yung isa lang pagpatay ng isang mamamayan lalu na ng isang LGU official is already problematic, dapat nagra-raise ng concern ang ating kapulisan at ating Pangulo dahil hindi puwedeng hayaan na may pinapatay lalu na isang Public Official lalu na kung sunod-sunod,” ayon kay Hilbay.
Iginiit ni Hilbay na hindi lamang iisang beses nagbigay ng iresponsableng pahayag ang Pangulo hinggil sa pagpatay lalu na sa mga hinihinalang sangkot sa droga.
“Meron siyang Supervision over Local Government, kaya napaka-iresponsable ‘yung mga pahayag ng Pangulo dahil napaka-importanteng role ng Pangulo is to enforce the law. Hindi puwede yung siya mismo ang nag-e-encourage ng criminal act,” ayon kay Hilbay.
Una na ring nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na wakasan na ang pagpaslang sa halip ay umpisahan na ang paghilom kabilang na sa higit 20,000 biktima ng pagpatay na kabilang sa Death Under Investigation (DUI) ng PNP.