384 total views
July 17, 2020-11:32am
Pansamantalang magiging ‘acting president’ ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Ayon kay Bishop David-ang kasalukuyang bise-presidente ng CBCP ito ay dahil na rin sa pagkakasakit ni Archbishop Romullo Valles na kasalukuyang ngayong nagpapakagaling matapos na ma-stroke noong nakalipas na buwan.
“Well actually, more than a month already, dahil nagka-stroke ang ating presidente sa Catholic Bishops Conference of the Philippines. And while he was recovering, ay nagkaroon sya ng hospital-acquired pneumonia. So yung pneumonia had to be treated bago sya nakapagrehab bago doon sa kanyang stroke,” ayon pa kay Bishop David sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Barangay Simbayanan.
Tiniyak naman ng obispo na nakalabas ng pagamutan si Archbishop Valles at nagpapahinga sa Archdiocese ng Davao at pansamantalang inihabilin ang mga gawain sa CBCP.
“But he wrote a letter appointing me as the acting president in his absence habang nagre-recuperate siya sa kanyang kalagayan o health condition ngayon. Kasi ako iyong vice president, kaya ako ang acting dahil ako ang vice president. So temporary lang naman ito. Si Archbishop is recuperating very well,” ayon pa sa obispo.
Una na ring ipinagpaliban ng CBCP ang plenary assembly ngayong buwan dulot na ring ng banta ng novel coronavirus.
Sa kabila nito, sinabi ni Bishop David na dalawang ulit nang nagpulong ang CBCP permanent council via online para talakayin ang ilang usapin ng simbahan.
Kabilang rin sa mga tinalakay sa pulong ang naging pagtugon ng simbahan sa Covid-19 pandemic.