350 total views
Nananawagan ng dasal si Lipa Batangas Archbishop Gilbert Garcera, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Family and Life para sa kaligtasan ng mga mamamayang apektado sa pagligalig ng bulkang Taal.
Ayon sa Arsobispo, higit na kinakailangan ngayon ang tulong ng Diyos upang matigil ang aktibidad ng bulkan na pinangangambahang tuluyang sumabog.
“Ipagdasal niyo kami, hari nawa sa tulong ng Panginoon ay mahinto na ang pagbuga ng abo dito sa bulkang Taal,” pahayag ni Archbishop Garcera sa Radio Veritas.
Binuksan na ng Arkidiyosesis ang mga simbahan upang magsilbing pansamantalang matutuluyan ng mga lumikas na residente.
Ibinahagi ni Archbishop Garcera na humigit-kumulang na tatlong libong indibidwal ang kinalinga ng arkidiyosesis simula ika – 12 ng Enero na kinabibilangan ng mga senior citizens, Person With Disabilities, mga buntis at mga kabataan na mula sa Calawit Batangas na malapit sa crater ng bulkan.
Bukod sa dasal, umaapela rin ng tulong ang Arsobispo para sa mga pangangailangan ng lumikas na residente tulad ng pagkain at tubig.
“Hinihingi po namin ang tulong ninyo maliban sa dasal ay ang inyong pinansyal na tulong o kaya’y in kind donations ninyo dito sa Archdiocese of Lipa,” panawagan ng Arsobispo.
Binabalaan naman ni Archbishop Garcera ang publiko na maging maingat sa mga mapagsamantala na gamitin ang pagkakataon upang manloko ng kapwa na tutugon sa pangangailangan ng evacuues.
Sa mga nais magpaabot ng tulong makipag-ugnayan lamang sa mga numerong (043) 404-8057, 09255595968, 09175089701, at 09177045064.
Maari ding ipadala ang tulong sa Caritas Manila, Savings Account Name: Caritas Manila, Inc.
Banco De Oro – Savings Account No.: 5600-45905
Bank of the Philippine Islands – Savings Account No.: 3063-5357-01
Metrobank – Savings Account No.: 175-3-17506954-3
For dollar accounts:
Bank of the Philippine Islands – Savings Account No. 3064-0033-55
Swift Code – BOPIPHMM
Philippine National Bank – Savings Account No. 10-856-660002-5
Swift Code – PNBMPHMM
Maari ding ipadala ang donasyon sa Caritas Manila sa pamamagitan ng Cebuana Lhuillier na free of charge.