172 total views
Hindi pa rin nagagamit ang simbahan at ilang mga kapilya sa bayan ng Tulunan, North Cotabato- ang sentro ng 6.3 magnitude na lindol.
Ayon kay Fr. Vickney Jalico, parish priest ng San Isidro Labrador Parish ng Tulunan, patuloy pa rin silang nakakaramdam ng malalakas na aftershocks.
“Panay-panay po ang dating ng malalakas na aftershocks ngayon. Kagabi, mayroon din mga aftershocks. So hindi namin alam mahirap din na ipatrabaho sa mga workers kasi baka dumating ang aftershocks at mahulog ang workers. Kasi mataas ang wall,” ayon kay Fr. Jalico.
Kaya’t hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa payapa ang mga residente lalu’t nagdulot maraming mga bitak ang tinamo ng ilang mga bahay dulot ng malakas na pagyanig at hindi pa ligtas na manatili sa loob base na rin sa pagsusuri ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC)
Ayon sa pari, sa kasalukuyan ay idinaraos ang mga lingguhang misa sa mga labas ng kapilya at sa gymnassium para na rin magkaroon ng panahon ang mga mananampalataya na makapanalangin.
Ika-16 ng oktubre nang tumama ang malakas na lindol sa gitnang Mindnao kung saan sa pinakahuling ulat ay may pito katao ang naitalang nasawi.
Una na ring nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga mananampalataya lalu na sa Luzon at Visayas na tumulong sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao.