499 total views
Walong madre mula sa Congregation of the Religious of the Virgin Mary o RVM Sisters ang nasawi matapos na magpositibo sa COVID-19.
Ito’y pawang mga nasa edad na 80 hanggang 90 taong gulang at kabilang sa 62 madre na nagpositibo sa virus mula sa Saint Joseph Home at kumbento ng mga RVM Sisters sa Quezon City.
Ayon kay RVM Sister Ma. Anicia Co, tagapagsalita ng kongregasyon na maliban sa mga madre ay kabilang din sa mga nagpositibo sa COVID-19 ang nasa 52 personnel ng kumbento.
“The personnel are still young so they are on the road to recovery. Some Sisters are moving from symptomatic to asymptomatic. Eight of the Sisters, aged 90s and 80s, afflicted with COVID-19 returned home to our heavenly Father,” bahagi ng pahayag ni Sr. Co sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, nilinaw naman ni Sr. Co ang mga naunang ulat na ang dahilan ng “outbreak” sa loob ng kumbento ay sanhi ng hindi pa pagpapabakuna ng mga RVM Sisters at mga personnel.
Ngunit ayon sa madre, wala itong katotohanan sapagkat nito lamang Mayo at Hunyo ay isinagawa ang unang batch ng bakuna sa mga RVM sisters at sinundan din ito ng ikalawang batch nitong Hulyo.
Dagdag pa ni Sr. Co na hindi na nabakunahan ang walong madre na nasawi dahil ang mga ito’y nakaratay na rin sa banig ng karamdaman.
“It was not the decision of the RVM congregation, nor the leaders nor the Sister Administrator of the St. Joseph Home that they would not be vaccinated. The Sister Administrator actually followed up later for their vaccination but it did not come soon,” ayon sa madre.
Gayunman, patuloy na humihiling ng panalangin ang mga apektadong RVM sisters para sa tuluyang kaligtasan at paggaling laban sa virus.
Gayundin na nawa’y pagkalooban ng kalakasan at maayos na kalusugan ang mga nag-negatibong madre upang mapaglingkuran nang maayos ang mga higit na apektado.
“Please pray for us especially our Sisters in St. Joseph Home. May our Sisters come to full recovery. May God grant strength to our other Sisters in the communities in the compound strength to continue serving the affected community,” saad ni Sr. Co.
Nagpapasalamat din ang kongregasyon sa mga patuloy na naghahatid ng suporta at panalangin lalo na sa mga higit na apektado ng virus.
Babala naman ni Sr. Co sa publiko na mag-ingat sa mga mapagpasamantalang ginagamit ang pangalan ng RVM Sisters upang makapangalap ng pondo.
“The RVM Secretariat has received reports of solicitation of funds using our name. There was found out a false account using the name of an RVM Sister. We ask our benefactors, alumni and friends who want to help to verify with the RVM Secretariat before they send any financial assistance,” ayon kay Sr. Co.