501 total views
Nilinaw ng Congregation of the Religious of the Virgin Mary o RVM Sisters ang naunang ulat hinggil sa kabuuang bilang ng mga madreng nagpositibo sa COVID-19 sa loob ng kumbento.
Nakasaad sa pahayag ng RVM Sisters na batay sa resulta ng isinagawang swab testing noong Setyembre 10, nasa 62 madre lamang ang kumpirmadong nagpositibo sa virus.
Kaiba ito sa mga naunang ulat na sinasabing nasa 103 madre ang nagpositibo sa loob ng kumbento.
Nilinaw ng RVM sisters na hindi lahat ng madre kundi may mga ibang tauhan din sa loob ng kumbento ang nahawaan ng virus.
“Based on the results of the swab tests conducted on September 10, 2021, only 62 Sisters are positive for Covid-19,” mula sa pahayag ng RVM Sisters
Samantala, isinailalim naman sa lockdown ang buong kumbento at patuloy na nakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Quezon City upang mabantayan ang sitwasyon ng mga nasa loob ng kumbento.
“Since the morning of September 14 (Tuesday), the entire Convent has been on lockdown and fully cooperating with the Quezon City government on health quarantine measures,” ayon sa pahayag.
Matatagpuan din sa loob ng kumbento ang Saint Joseph Home Infirmary na katuwang din ng Barangay Health Emergency Response Team sa pagbabantay sa COVID-19 cases.