472 total views
Hindi pa rin nagtatapos ang panawagan para sa pagbabago makalipas ang 33-taon ng EDSA People Power Revolution.
Ayon kay Fr. Anton Pascual, Pangulo ng Radyo Veritas, napagtagumpayan ng sambayanang ang diktadurya sa ilalim ng rehimeng Marcos ay hindi pa rin nagtatapos ang pagkaalipin ng mga Filipino lalu na sa kahirapan dulot ng katiwalian at dinastiya.
“Kayat hindi pa tapos ang diwa ng rebolusyon. Lumaya tayo sa kuko ng mga makapangyarihan, at kuko ng kahirapan at kasamaan ng korapsyon!,” ayon kay Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ng pari na kinakailangang pa ring ipagtuloy ang rebolusyon o ang pagbabago ng lipunan para maghari ang pag-ibig at katarungan ng Panginoon.
“Alam natin na ang bansang Pilipinas ay paghahari lang ng 50-pamilyang mayayaman oligarchy at ang naghahari lang sa politika ay wala pang dalawang daang pamilya, ang humahawak at kumikitil ng ating politika sa bansang Pilipinas dahil nga dito sa family dynasty,” ayon kay Fr. Pascual.
Ipinaliwanag ng Pari na ang EDSA Revolution ay hamon sa pagbabago ng lipunan na ang dapat na maghari ay ang pag-ibig, kapayapaan at katarungan ng Diyos.
Naniniwala rin ang Pari na hindi dapat kalimutan ang nagdaang ‘bloodless revolution sapagkat ito ay isang biyaya ng Panginoon na naging daan para makamit ang demokrasya sa Pilipinas.
“Kayat dapat nating ipagpatuloy sapagkat hindi pa tapos ang ating rebolusyon at hangad na lumaya, madami pang umaalipin sa atin tulad ng kahirapan, tulad ng korapsyon, tulad ng kriminalidad ano at marami pang tulad ng pagka-kanya-kanya at pakasira ng ating kalikasan,” ayon pa sa pari.
Sa nalalapit na anibersaryo ng Edsa People Power, magiging kinatawan ng Simbahang Katolika si Father Pascual sa ecumenical prayer kasabay na rin ng flag raising ceremony at wreath laying sa ika-25 ng Pebrero, 2019.
Una na ring tumanggap ng pagkilala mula sa Edsa People Power Commission ang Radyo Veritas sa pamamagitan ni Fr. Pascual sa naging bahagi ng himpilan sa naganap na ‘bloodless revolution’ noong 1986.
Iginawad din sa Radio Veritas ang “Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature and the Creative Communication Arts dahil sa walang takot na paninindigan sa katotohanan at diktaduryang Marcos.
Ang Radio Veritas-ang tanging himpilan ng radyo na naging daan sa panawagan ng noo’y si Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin para sa sama-samang pagdarasal at pagtitipon sa Edsa na naging susi sa pagpapatalsik sa diktaduryang Marcos.
Ayon kay Fr. Pascual, isang karangalan ang naging bahagi na ginampanan ng Radio Veritas para makamit ang kalayaan ng bawat Filipino mula sa ilalim ng mapaniil na gobyerno.