1,006 total views
April 5, 2020, 2:47PM
Mahigit tatlong milyong mahihirap na pamilya na apektado ng COVID-19 pandemic sa nasasakupan ng sampung (10) Diocese at Archdiocese sa Mega-Manila ang nabigyan ng tulong ng Caritas Manila, ang social action arm ng Archdiocese of Manila.
Ibinahagi ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas 846 President Rev. Father Anton CT Pascual na “as of April 4, 2020” ay umabot na sa 3,258,995 na miyembro ng mahihirap na pamilya ang nabigyan ng OPLAN DAMAYAN ng tig-iisang libong GC, Ligtas COVID kit at Manna packs.
Sinabi ni Father Pascual na naging bahagi sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga apektado ng Enchanced Community Quarantive ang 631 parokya mula sa 10-Diocese at Archdiocese sa Metropolitan Manila.
Ayon sa pinuno ng Caritas Manila, kabuang 999,112,500 na GC’s na ang naipamigay ng Caritas Manila sa may 651,799 na pamilya bukod pa ang Ligtas COVID kit at Manna packs.
Taos-puso namang nagpapasalamat si Father Pascual sa mga negosyanteng bahagi ng OPLAN Damayan na nagbibigay ng 1.2-bilyong halaga ng GC’s sa tiwalang ipinagkaloob sa Caritas Manila na maging daluyan ng grasya para sa mga urban poor families.
Dahil sa napakalaking epekto ng Luzon-wide Enchanced Community Quarantine sa mga mahihirap na pamilya, umaapela si Father Pascual sa mga Good Samaritan na magbahagi ng kaunting tulong sa kapwang nagdadarahop sa kasalukuyan.
Upang mapalawak pa ang pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap, magsasagawa ang Caritas Manila at Radio Veritas ng “Damay Kapanalig” Alay COVID telethon sa ika-6 ng Abril, 2020.
Magsisimula ang Damay Kapanalig ALAY COVID telethon ng 7:00AM(ala-siete ng umaga) hanggang alas-sais ng gabi.
Inaanyayahan ni Father Pascual ang sambayanang Filipino na makiisa sa telethon at mag-alay kapwa sa mga apektado ng COVID-19 pandemic ngayong Semana Santa.
Tiwala ang Pari na sa pamamagitan ng pagtutulungan ay mapagtagumpayan ng mga Filipino ang pandemya na dulot ng COVID-19.