241 total views
Muling umapela ng tulong ang social arm ng Arkidiyosesis ng Maynila na Caritas Manila Damayan upang makalikom ng karagdagang pondo na kakailanganin para makatulong sa mga biktima ng magkakasunod na malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon kay Rev. Fr. Ric Valencia – Priest-In-Charge ng Caritas Manila Damayan, bagamat nauna ng nakapagpaabot ng 200,000-piso at karagdagang 300,000-piso ang Caritas Manila para sa Diocese of Kidapawan na pinakaapektado ng mga patuloy na pagyanig ay hindi naman ito sasapat para sa pangangailangan ng mga apektadong residente.
Inihayag ng Pari na marami sa mga nanatili sa mga evacuation center ay mga residenteng nasira ang mga tahanan habang ang iba naman ay nangangamba sa kanilang kaligtasan kapag bumalik kanilang mga tahanang nagtamo ng mga bitak.
“So ngayon ay naghahanap pa rin tayo ng pondo, alam natin na yung initial na ipinadala doon ay would not be enough. Marami ang pababa palang mula doon sa kanilang mga lugar sa kabundukan na walang mauwian dahil nasira ang mga bahay. Yung mga nandoon sa evacuation center ay takot bumalik dahil may mga crack ang mga bahay.”pahayag ni Fr. Valencia sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ng Pari ang patuloy na pagtutulungan at koordinasyon ng mga organisasyon ng Simbahan partikular na ng Archdiocese of Manila, Quiapo Church at Caritas Manila upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga residente sa mga apektadong diyosesis sa Mindanao.
Bukod sa naunang P500,000 tulong pinansyal ng Caritas Manila ay inihayag rin ni Fr. Valencia ang paglalaan ng P500,000 ng Quiapo Church upang makatulong sa mga biktima ng lindol sa Diocese of Kidapawan.
“Nag-coordinate na tayo ang RCAM (Archdiocese of Manila), ang Quiapo Church at ang Caritas Manila and napag-usapan together with the Bishop there kung anong mga pangangailangan nila and ang Quiapo Church ay nag-commit na ng P500,000 para sa Diocese ng Kidapawan…” Dagdag pa ni Fr. Valencia.
Read: Caritas Manila, muling nagpadala ng 300-libong piso sa Mindanao quake victims