192 total views
Kailangan paigtingin ang pananampalatayang Katoliko sa Pilipinas.
Ayon kay Rev. Fr. Anton C.T. Pascual, pangulo ng Radyo Veritas at executive director ng Caritas Manila, dahil sa modernong panahon kinakailangan gumamit na rin ng pamamaraan ng pagtuturo na naaayon din sa makabagong panahon.
Dagdag ng pari, mas mapapaigting ang pagsasakatuparan nito sa tulong na rin ng bawat mananampalatayang Katoliko sa pamamagitan ng pakikibahagi sa Veritas 500 Telethon 2016 bilang paghahanda sa selebrasyon ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021.
Ayon kay Fr. Pascual, sa pagbahagi ng P500 kada taon, malaki ang maitutulong nito sa krusada na ipalaganap ang Mabuting Balita sa pamamagitan ng multi-media (print, radio, TV and social media).
“Sa bagong panahon kailangan gumamit ng bagong pamamaraan ng pagtuturo kaya’t ang ating Veritas 500 ay sinimulan upang ipalaganap ang totoong pamumuhay ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng multi-media. Para suportahan ang ating krusada na ipalaganap ang Mabuting Balita sa pamamagitan ng multi media, hingi tayo at least P500 but they can give more, P500 a year, para ipalaganap natin gusto natin marami ang magbigay… democratize natin na magaan ang magbigay at kayang-kaya ng lahat ang magbigay para matulungan ang ating krusada, P500 para sa 500 years,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Fr. Roy Bellen, vice president for Operations ng Radio Veritas, kinakailangan ang tulong ng Catholic media para sa Ebanghelisasyon lalo na ngayon na lumabas sa pag-aaral noong 2014 na isa lamang sa pitong Katoliko ang nagsisimba kung saan napakababa rin ng ratio ng pari sa malaking populasyon ng Pilipinas na umaabot lamang sa mahigit 6,000 pari para sa mahigit 100 milyong Filipino.
“Kaya’t hangad ng Radio Veritas na dadalhin natin ang Simbahan sa kanila sa pamamagitan ng media dahil kahit nasaan ka kahit anong oras maaari mong marinig ang Salita ng Diyos. Participation is very much important, sa mga liblib na lugar sa mga radio program dun sila nakikinig ng mga Salita ng Diyos, nakikinig ng reflection, in provinces buhay na buhay ang Radyo it gives them hope at umiiyak naman sila dahil hindi sila nakakapag-komunyon,” pahayag ni Fr. Bellen.
Ginaganap ngayon sa himpilan ang “Veritas 500 Telethon 2016” na may temang “Bringing Jesus to every Catholic home” na layuning humingi ng suporta sa bawat mananampalataya kung saan ang malilikom ay para tulungan na rin ang himpilan na palakasin ang social communications ministry ng Simbahang Katolika sa Pilipinas.
Nakalikom na ang Veritas Telethon500 ng P230,000 hanggang alas 10:30 ng umaga na sinimulan alas 6:00 ng umaga at magtatapos alas 6:00 ng gabi.
Ang mga dayuhang kastila ang nagpakilala ng Kristiyanismo sa bansa noong 1521. Isang Portugese na nagngangalang Ferdinand Magellan ang naglayag at namuno sa ekspedisyon sa ilalim ng watawat ng Espanya ang dumaong sa baybayin sa Sentral sa Cebu na ang lugar na ito pinamumunuan ng isang Rajah na si Humabon at Reyna na si Juana. Tatlo ang layunin ng mga kastila ng dumaong sila sa Cebu. Una, ang pakikipagkalakaran, pangalawa, upang saklawin o sakupin ang teritoryo at ang pangatlo ang ipalaganap ang Kristiyanismo.