258 total views
Matagal ng kumikilos ang Simbahang Katolika sa ‘social media’ para magbigay o magpakalat ng impormasyon sa mamamayan na pawang katotohanan at may moralidad.
Ayon kay Fr. Roy Bellen, Vice President for Operations ng Radyo Veritas at Presidente ng TV Maria, nakasaad sa Inter Mirifica, isang decree na ginawa ng konseho ng Vatican II na ipinalaganap noong December 4, 1963 na ang media ay maging daan para sa pagkakaisa, kapayapaan at katotohanan.
Sinabi ng pari na sa kasalukuyan, madalas na ang ipinapakalat na impormasyon ay pawang kasiraan ng kapwa, na sanhi ng pag-away-away at pagkakahati-hati ng tao.
Dahil dito, pinayuhan din ni Fr. Bellen ang publiko lalo na ang mga may access sa social media na bago ipakalat ang nabasang impormasyon tiyakin na ito ay may katotohanan at hindi nakasisira ng kapwa.
“Talaga naman ever since yung sa Vatican II kung maalala natin yung mga documents ng Simbahan inilabas ang ‘Inter mirifica’, ito ang challenge sa atin sa Simbahan at those who practicing and using the media na kailangan na tayo ay maging daan upang magkaroon ng pagkakaisa, kapayapan at maayos gaya ng katotohanan na marinig natin sa media madalas, may mga tao talagang nagpapakalat ng maling impormasyon na sanhi ng pag-away-away ng tao, may mga tao naman na hindi alam how media works especially social media. Ito yung iba sine-share, nag ko-comment like ng like kaya lalong lumalala ang ating miscommunication,” pahayag ni Fr. Bellen.
Karamihan aniya ngayon, may mga blog na ang iba, binabayaran upang magsulat ng paninira o papuri sa isang tao kayat kinakailangan ng publiko na ikumpirma ang mga impormasyong ito bago ipakalat.
“Lalo na ngayon ang lahat ng tao may access sa social media, ang first thing kailangan i-confirm muna ito. Kung yung source ng iyong ibinabalita hearsay o totoo talaga. Sa panahon kasi ngayon marami ang nagba-blog, may mga tao yung blog na ito punong-puno ng kanilang personal opinion, walang masama sa opinyon pero minsan kasi may mga malice na kasama para siraan ang tao o institusyon at kapag nailabas na ito may mga taong nagla-like at nag se-share. I think the first thing na need gawin I confirm ito, yung iba may binayaran, nakalulungkot na part na may pinaka-malaking kita is sa PR, they will write an article for you or against you and people would pay you for that. Nag la-like and share naman ang tao without confirming ano ba itong source na ito, tama ba o mali,” ayon pa kay Fr. Bellen.
Kaugnay nito, ayon kay Fr. Bellen, hanggang ngayon aktibo ang Simbahang Katolika para maipakalat ang katotohanan at moralidad sa social media. Ito ay sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa lahat ng institusyon partikular sa mga layko na aktibo sa social media na ang layunin ay magpaliwanag at magtanggol ng naaayon sa katotohanan at sa turo ng Simbahan.
“Alam ninyo sa Simbahan, nakikipag-partners tayo sa lahat ng institusyon especially sa layko na involved sa social media, in fact si bishop Pabillo isa sa ating kakampi. In fact pag ikaw ay sa social media, if they gang up on you pagtutulungan ka nila parang ikaw tatahimik ka na lang maraming galit sa iyo, kasi mas maingay yung kabilang side, so what we are doing right now we are organizing yung mga taong pag medyo alam mong hindi naman totoo yung impormayon na kumakalat o may debate o nag aaway sa social media, sama sama tayo at ang ating pasensiya ay malakas and we have the truth, and we care about etiquette, di tayo nakikipag-away o kundi in a very civilized manner we explain and lay down mga facts and we interpret this facts ayon sa katotohan sa turo ng Simbahan,” paliwanag pa ng pari.
Una ng nanawagan sa publiko ang Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang ‘October prayer intention’ na ipanalangin ang mga mamamahayag na maging bukas sa pagsasabi ng katotohanan sa kanilang iniuulat sa publiko na ang katotohanang ito ay magbubunga ng kaayusan sa sangkatauhan at hindi ng pagkasira ng bawat isa.
Noong 2014, sa ulat ng Internet and Mobile Marketing Association of the Philippines (IMMAP), nasa mahigit 38 milyon ang bilang ng mga Filipinong may access sa Facebook lamang.