July 23, 2014

Trabaho ang Kailangan

images (8)

Nasasangkot ngayon sa isang malaking iskandalo ang ilang labor officials ng Pilipinas sa Gitnang Silangan o Middle East. Ang masakit dito, hindi dahil sa katiwalian o korapsiyon ang kinasasangkutan ng mga ito. Higit pa dito, itinuturo ang mga ito na sangkot sa pambubugaw sa mga kababayan nating OFWs.

Kamakailan ay lumantad nga sa publiko ang ilang OFWs sa Middle East na biktima umano ng sexual harassment at abuse maging ng sex trade sa pamamagitan umano ng pag-uudyok ng ilang labor officials ng ating sariling pamahalaan. Lumalabas din sa inisyal na imbestigasyon na karamihan sa mga nagiging biktima dito ay ang mga kababayan nating tumatakas sa kanilang mga mapang-abusong amo at gusto ng bumalik sa Pilipinas, ngunit walang sapat na pera upang makabili ng kanilang mga plane tickets.

Napakasaklap nga ng kuwento ng mga kapatid nating OFWs. Inabuso na nga sila ng kanilang mga dayuhang amo, maging ang kanilang mga kababayang labor officials na dapat ay tumulong sa kanila ay siya ring isa pang nang-aabuso. Kapalit nga daw ng pagtulong sa kanila upang magkaroon ng exit visa at plane ticket pabalik ng Pilipinas, ibinubugaw umano sila sa ilang mga dayuhan at kung minsan, ang mga mismong labor officials natin sa Middle East ang nag-aalok sa kanila ng sexual favors.

Sa tala ng Bureau of Labor Employment Statistics o BLES, tinatayang aabot sa halos mahigit sa sampung milyon na ang total estimate ng overseas Filipinos. Tinatayang may halos tatlong milyong overseas Filipinos naman ang nasa mga bansa sa Middle East. Noong nakaraang taon lamang, ayon din sa BLES, tinatayang halos dalawang milyon ang kabuuang bilang ng mga deployed overseas Filipino workers o OFWs.

Hindi na nga nakakapagtaka kung bakit araw-araw ay patuloy pa rin ang paglipad ng napakaraming mga OFWs upang makipagsapalaran sa ibang bansa. Sa halos lahat ng bansa sa buong Silangang Asya, ang Pilipinas ang may pinakakamataas na unemployment rate. Dito nga sa ating bansa, kapag graduate ka ng college, hindi nangangahulugan na magkakaroon ka ng trabaho. Ayon sa National Statistical Coordination Board, 17% sa halos tatlong milyong Pilipinong walang hanap-buhay ngayon ay mga college graduates. Maging ang antas ng underemployment sa Pilipinas ay tumaas din. Tumaas ito sa bilang na 916,000, o may kabuuang bilang na halos walong milyong underemployed na mga Pilipino ngayong 2013.

Tingnan na lang natin ang average daily wage sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa Silangang Asya. Ang average daily wage sa Pilipinas ay tinatayang nasa P326.93 lamang noong 2012. Sa kaparehong taon naman, ang average daily wage sa Malaysia at Thailand ay mas mataas na nasa halagang halos 450 pesos. Sa Taiwan ay halos 900 pesos naman ang daily minimum wage. Sa mga mauunlad na bansa sa Silangang Asya, nariyan ang Japan na may average daily wage na halos 3,000 pesos; Hongkong, halos 1,300 pesos; at South Korea na mahigit sa 1,500 pesos ang kanilang average daily wage.

Samakatuwid, ang masaklap na sitwasyon ng sektor ng paggawa sa Pilipinas ang nagtutulak sa milyon-milyon nating mga kapatid na OFWs upang sumulong sa minsan ay mapanganib na buhay sa ibang bansa. Tinitiis nila ang pang-aabuso ng kanilang mga dayuhang amo, at ngayon nga ay tinitiis na din nila ang pang-aabuso sa kanilang mga dignidad ng mismong mga labor officials natin sa ibang bansa.

Ayon sa panlipunang turo ng ating simbahan, ang trabaho ay isang pundamental na karapatan at isang kabutihan sa sangkatuhan. Ang trabaho ay kailangan para makapagbuo at magtaguyod ng pamilya, magkaroon ng karapatan sa propryedad, at makapag-ambag sa kabutihan ng pamilya. Dahil dito, kailangang maging bukas ito sa lahat ng may kapasidad na magtrabaho. Dagdag pa ng panlipunang turo ng simbahan, ang kawalan ng trabaho ay isang tunay na panlipunang sakuna.

Samakatuwid, isang malaking hamon sa ating pamahalaan at sa lahat ng lider ng ating lipunan na siguraduhing may magandang trabaho at sapat na kita ang bawat Pilipino dito sa Pilipinas! Dumating na nga sana ang araw na hindi na kailangang mawalay ng isang OFW sa kanyang pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa.

fr a

by: Fr. Anton CT Pascual

Trabaho ang Kailangan

Leave A Comment

CAPTCHA Image
*