176 total views
May karapatan ang mga testigo sa anumang kaso na mamili kung anong institusyon o grupo nila ipagkakatiwala ang kanilang kustodiya habang isinasagawa ang paglilitis.
Ito ang pahayag ni Atty. Rosario Setias-Reyes, former President ng Integrated Bar of the Philippines kaugnay sa usapin ng kustodiya ng mga menor de edad na testigo sa pagkamatay ng 17-taong gulang na si Kian Loyd delos Santos sa isinagawang Operation Galugad ng Caloocan City Police sa Barangay Sta. Quiteria noong ika-16 ng Agosto.
Ayon kay Atty. Reyes, may kalayaan at bahagi ng karapatan ng mga testigo na mamili ng kanilang institusyong pagkakatiwalaan na magbigay proteksyon sa kanilang kaligtasan at buhay.
“The right to life and liberty is a constitutionally guaranteed right that belongs to any citizen of this country. I believe, subsumed in that right is the freedom of choice to seek assistance for protection especially if he/she perceives there is danger to his or her life…”pahayag ni Atty. Setias-Reyes sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kabila nito, kinakailangan naming may sapat at naaangkop na kakayahan ang mapipiling institusyon o grupo ng mga testigo na tunay na pangalagaan at proteksyonan ang kanilang kapakanan mula sa anumang banta ng kapahamakan.
Kaugnay nito naging kontrobersyal ang pananatili sa Diocese of Caloocan ng kustodiya ng mga menor de edad na testigo sa kaso ni Kian Delos Santos mula sa tangkang pagbibigay ng ama ng mga bata sa kustodiya ng mga ito sa Public Attorney’s Office, Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at PNP-Criminal Investigation and Detection (PNP-CIDG).
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar bagamat kinikilala ng Malacañang ang pagnanais ng mga testigo na mapasailalim sa proteksyon ng Simbahan ay nasasaad sa ilalim ng wastong proseso sa batas na dapat mapunta sa pamahalaan ang kustodiya ng mga testigo bunsod ng Witness Protection Program sa ilalim ng Department of Justice (DOJ).
Gayunpaman, nanindigan rin si incoming CBCP Vice President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na handa ang Simbahang magbigay proteksyon at paggabay sa lahat ng mga nangangailangan ng tulong lalo na laban sa anumang banta ng panganib.
Read: Simbahan bukas ang pintuan sa mga nangangailangan ng tulong