222 total views
Nakatakdang ilunsad ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Roma ang “Share the Journey” migration campaign ng Caritas Internationalis sa araw ng Miyerkules ika-27 ng Septyembre, 2017.
Ayon kay Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle – Presidente ng Caritas Internationalis, sa pamamagitan ng “Share the Journey” ay natuturuan ng simbahan ang mga tao na makipag-ugnayan sa mga tunay na migrante, alamin ang kwento ng kanilang buhay, kung bakit nila nilisan ang kanilang tahanan, at kung ano ang nangyari sa kanilang paglalakbay.
Sinabi ng Kardinal na sa pamamagitan nito ay makikilala at mabibigyan ng mukha ang milyun-milyong bilang ng mga refugees na tumatakas mula sa kaguluhan sa kanilang lugar at maihahayag din sa publiko ang malagim na kuwento ng buhay ng mga dayuhang pinipiling makipagsapalaran sa ibang bansa.
“Look them in the eyes, listen to why they left their homes, how their journey’s been, see the real people behind the numbers and scare stories… This time of greater interconnection is an invitation to each and every one of us to look at how we can be more united. I hope the global migration and refugee situation will lead the whole world in a corporate examination of consciousness and our value systems.” Bahagi ng pahayag ng Cardinal.
Ang dalawang-taong kampanya ng “Share the Journey” ay naglalayong magpalawak ng kamalayan, magtaguyod at magpalakas ng ugnayan sa pagitan ng mga migrante, mga refugee at mga komunidad.
Ito ang magsisilbing tugon ng Caritas sa panawagan ng Santo Papa na palaganapin ang “Culture of Encounter” o ang pakikipagtagpo at pakikipamuhay sa mga taong higit na nangangailangan ng pagkalinga ng simbahan upang mabuksan ang puso at isip ng bawat indibidwal at mabago ang pagtingin ng mga tao sa mga migrante at refugee.
Sa kasalukuyan ang Caritas Internationalis ay mayroong mahigit sa 160 miyembrong inaasahang magpapalaganap ng “Share the Journey” sa mahigit 200 mga bansang kasapi ng Caritas.
Samantala, sang-ayon nga sa pahayag ni Pope Francis sa National Migration Directors ng Council of European Bishops Conferences, dapat pangunahan ng simbahang katolika ang pagsugpo sa diskriminasyon sa mga dayuhang sa kabila ng kanilang ibang paniniwala.
Batay sa pag-aaral ng United Nations High Commissioner for Refugees sa nakalipas na dalawang dekada ay ay malaki ang nadagdag sa bilang ng mga taong napipilitang umalis mula sa kanilang mga tahanan, at noong 2016, mahigit 65.6 na milyong indibidwal sa buong mundo ang naitalang mga lumilikas dahil sa patuloy na kaguluhan.
Marami sa mga ito ay nagmula sa mga lugar na Syria, Iraq, Yemen, Sub-Saharan Africa, Burundi, Central African republic, Democratic Republic of the Congo, South Sudan at Sudan.
Sa Pilipinas, batay sa huling pagtataya ng Internal Displacement Monitoring Center noong 2015 ay umaabot sa 119,000 indibidwal ang umaalis mula sa kanilang mga tahanan dahil sa digmaan.
Kabilang na dito ang humigit kumulang 2,000 mga Lumad na kamakailan ay nagsagawa ng Manilakbayan upang ipabatid sa publiko ang ginagawang pang-aabuso at pagpapalayas sa kanila mula sa kanilang lupaing minana.
Bilang pagtugon, patuloy ang pagsasagawa ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ng mga diyalogo upang alamin ang pangangailangan at kung paano matutulungan ang mga Lumad na biktima ng karahasan.
Sa kasalukuyan, nangako ang Simbahan na hindi mawawala ang pagtulong nito hinggil sa pagprotekta sa kalikasan na isa din sa mga itinuturong dahilan ng mga katutubo kung bakit sila pinalalayas sa kanilang mga lupain.