251 total views
Ito ang panawagan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa sambayanang Filipino.
Hinimok ni Cardinal Tagle ang mamamayan na manindigan at pagsama-samahin ang lakas laban sa dahas.
Lubos nang ikinababahala ni Cardinal Tagle at buong kapulungan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang umiiral na kultura ng karahasan at kawalan ng paggalang sa sagradong buhay sa Pilipinas dahil sa pagsusulong ng pamahalaan ng death penalty, laganap na abortion, laganap na kahirapan gayundin ang patuloy na pagdami ng extra-judicial killings sa kabila ng suspension ng “oplan tokhang”.
Ipinahayag ng Kardinal ang kalungkutan sa tila pagiging natural na lamang sa taumbayan ng mga marahas na pananalita, mga pagkilos at nagiging brasuhan at sindakan ang kalakaran ng justice at political system ng bansa.
“Sa ating panahon, kapansin-pansin ang paglaganap ng kultura ng karahasan. Nakalulungkot Makita na parang natural na ang marahas na salita, tingin, asta, at kilos. Brasuhan at sindakan ang kalakaran.”malungkot na pahayag ni Cardinal Tagle.
Dahil dito, hinimok ni Cardinal Tagle ang lahat na isulong ang “lakbay buhay, paglalakad para sa buhay, ang pagpalaganap ng hindi marahas na pagkilos o nang active non-violence”.
“Kaya isang mahalagang aspeto ng lakbay-buhay ay ang pagpapalakas at pagpapalaganap ng kultura ng hindi maharas na pagkilos o active non-violence. Hindi mapupuksa ang karahasan ng kapwa karahasan. Ang lakas ng katotohanan, lakas ng katarungan, lakas ng dangal, lakas ng pagkalinga, lakas ng pagdamay, lakas ng pag-unawa, lakas ng pagkakasundo, lakas ng pagmamahal ang pipigil sa nakamamatay na karahasan. Lakas, hindi dahas. Kung bawat isa sa atin,bawat pamilya at pamayanan ay gagawa araw-araw ng kilos-buhay, mayroong lakas laban sa dahas. Lakas, hindi dahas.Hindi sapat ang mga diskusyon at sigawan. Maraming buhay na dapat iligtas. Save lives!”panawagan ni Cardinal Tagle.
Iginiit ng Kardinal na hindi masusugpo ang karahasan ng kapwa karahasan kundi pagpapahayag ng lakas ng katotohanan, katarungan, pagdamay at pakikipagkasundo ang pipigil sa kultura ng kamatayan.
Hinikayat ni Cardinal Tagle ang mamamayan na magsama-sama sa paglilgtas ng buhay mula sa sinapupunan at mga nagiging biktima ng karahasan sa ating lipunan tulad ng mga pamilyang nagugutom, mga bata at matatandang nalulong sa illegal na droga, mga naabuso at biktima ng prostitusyon, mga manggagawa, mga may kapansanan at mga katutubo.
“Iligtas ang inang nagbubuntis at ang sanggol sa kanyang sinapupunan, iligtas ang mga nagugutom, iligtas ang kabataan at batang nasa lansangan sa droga, abuso, prostitusyon,pornography, sugal at bisyo, iligtas ang pamilya, iligtas ang marangal na seksualidad, iligtas ang manggagawa at walang trabaho, iligtas ang dukha lalo na ang kababaihang nasa bingit ng human trafficking, iligtas ang mga may kapansanan, iligtas ang mga katutubo, iligtas ang mga magulang na tumatangis sa nawawala o pinaslang na anak. Iligtas ang kalikasang sugatan, iligtas ang nasa panganib ang buhay! Magagawa ng malasakit at pag-ibig ang magligtas sa buhay nila. Kung bawat isa ay gagawa nang makakayanan niya, lalaganap ang kultura ng pag-ibig na nagliligtas ng buhay. Lakas, hindi dahas.”pahayag ng Kardinal
Hinimok din ng Kardinal ang lahat na humingi ng tawad sa diyos dahil lahat tayo ay naging bahagi din ng kultura ng karahasan.
“lahat tayo ay humingi ng tawad dahil naging bahagi rin tayo ng kultura ng karahasan. Sabi ni Jesus (Mateo 5:21-22), narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman. Nguni’t ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘Ulol ka” ay mapapasaapoy ng impiyerno. Linisin nawa ng Dios ang ating puso, isip, mata, labi, at kamay upang mapawi ang ugat ng karahasan.Gawin nawa nila ang daan ng buhay. Lumakad tayo araw-araw taglay ang paalalani propeta Micah 6:8, “Ito ang nais ng Dios: maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong ibigin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbaba ng lumakad kasama ang Dios.” paalala ni Cardinal Tagle
Iginiit ng Kardinal na ang paglalakad ay sagisag ng buhay at nakapagpapasigla ng buhay.
Ito ang naging mensahe ni Cardinal Tagle sa mahigit 20,000 mamamayan na kinabibilangan ng mga Katoliko at Evangelical groups na dumalo sa Walk for Life sa inorganisa ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa Quirino grandstand noong ika-18 ng Pebrero, 2017.
Nakibahagi sa “walk for life” o tinaguriang show of force laban sa kultura ng kamatayan ay pinangunahan ni CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Novaliches Bishop Antonio Tobias, Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo-chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity at Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc.