282 total views
Abala pa rin ang iba’t-ibang Diyosesis sa pagtulong sa kani-kanilang mga kababayan na sinalanta ng bagyong Lawin.
Sa Archdiocese of Tuguegarao sa Cagayan, patuloy ang paghahatid ng mga relief goods ng Simbahan sa mga apektadong residente at pinaghahandaan na ang rehabilitasyon sa mga sinalanta ng bagyo.
Ipinagpapasalamat ni Rev. Fr. Augustus Calubaquib, Social Action Director ng nasabing Arkidiyosesis ang pagtulong sa kanila ng iba’t-ibang grupo partikular na ang Archdiocese of Manila sa pamamagitan ng Caritas Manila na magpapadala ng 300 libong piso para sa rehabilitation program ng mga naapektuhang kabahayan.
“Kasalukuyan medyo marami ng relief goods na dumdating, nagpapasalamat tayo sa mga patuloy na tumutulong, kahapon lang nakapagpadala tayo ng relief sa Rizal, Cagayan at may mga dadalhan pa tayo,” pahayag ni Fr. Calubaquib.
Sa Kalinga-Apayao, sinabi ni Apostolic Vicariate of Tabuk Social Action Director Rev. Fr. Roman Macaiba na kasalukuyan pa rin silang nagre-repack ng mga relief goods para ipamahagi sa mga apektadong residente sa pamamagitan ng P400-libong piso na paunang tulong sa kanila ng Caritas Philippines at iba pang Diyosesis gaya ng Diocese of Legaspi, Diocese of Imus at maging ng Caritas Manila at Simbahan ng Quiapo.
Pinuri naman ni Diocese of Ilagan Social Action Director Rev. Fr. Carlito Sarte ang isinasagawang medical mission ng CBCP Episcopal commission on Health Care na partikular na tinutugunan anf psycho-social needs ng mga biktima ng kalamidad.
“Meron talaga na kagaya ng mga bata na after ng calamity ay nagiging magugulatin sila o parang nagka-trauma kaya maganda ang ginawa ng CBCP health care on psycho-social intervention,” giit ni Fr. Sarte sa panayam ng Veritas 846.
Sa datos ng DSWD tinatayang umabot sa 271, 120 pamilya o mahigit 1 milyon at dalawang daan libong indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong lawin sa limang rehiyon sa bansa.
Nauna rito, inihayag ng Caritas Philippines ang paglalabas ng 2 milyong pisong tulong sa mga diocese na naapektuhan ng bagyong lawin habang ang Caritas Manila na siyang social arm ng Archdiocese of Manila at pinamumunuan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ay magbabahagi ng P800 libong pisong financial assistance.
Kumikilos na din ang iba’t-ibang kongregasyon nh Simbahang Katolika sa bansa para tumulong sa mga nasalanta ng kalamidad.