223 total views
Ito ang panawagan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa lahat ng 165 member countries ng Caritas Internationalis sa paglulunsad ng global campaign “Share the Journey” na naglalayong itaguyod ang dayalogo at pakikiisa sa mga migrants at refugees.
Pormal na ilulunsad ni Pope Francis kasama ni Cardinal Tagle ang 2-dalawang taong “Share the Journey” campaign sa St.Peter Square ngayong araw ika-27 ng Setyembre, 2017.
Ayon kay Cardinal Tagle, layon ng inisyatibo na i-promote ang culture of encounter sa mga komunidad o mga bansang apektado ng “migratory phenomenon”.
Sa kanyang mensahe, iniimbitahan ni Cardinal Tagle ang 165 national organizations na bumubuo sa Caritas Internationalis na sama-samang bumuo ng “human chain of love at mercy”.
Paalala ng Cardinal sa lahat na huwag kalilimutan na ating tinatanggap si Hesus kapag binuksan natin ang ating puso sa mga migrants.
Bilang tugon, pangungunahan ng Archdiocese of Manila, Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Mission, Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, CBCP-NASSA/Caritas Philippines, Caritas Manila, Quiapo Church, Adamson University, TV Maria at Radio Veritas ang dayalogo sa mga migrants sa Pilipinas na mga biktima ng migratory phenomenon.
Ngayong araw ika-27 ng Setyembre dakong alas-nueve ng umaga ay pangungunahan ng Caritas Manila ang dayalogo sa mga Lumad at mga Bakwit ng Marawi na apektado ng Martial Law sa Mindanao.
Ganap na alas-onse ng umaga, pangungunahan naman ng Quiapo Church at CBCP-ECM ang inter-religious dialogue.
Alas-tres naman ng hapon, magtitipon at magbabahaginan ng kanilang mga kuwento ang iba’t-ibang migrant students sa Adamson University habang inaantabayanan ang pormal na paglulunsad ng “Share the Journey” campaign na pangungunahan ni Pope Francis at Cardinal Tagle sa Vatican.
Ang mga kaganapan ay live na mapapanood sa TV Maria, Radio Veritas audio at video streaming.