277 total views
Umapela ang Archdiocese of Manila Restorative Justice Ministry sa mga mananampalataya na suportahan ang programa ng Simbahang Katolika na “Sanlakbay sa Pagbabago ng Buhay” para sa mga drug surrenderers na nais magbagong-buhay.
Ayon kay Sr. Zeny Cabrera, coordinator ng Archdiocese of Manila Restorative Justice Ministry, kailangan ng mga drug dependent maging ng kani-kanilang pamilya na may masandalan sa kanilang pagbabago na siyang layunin ng Simbahan.
“Sa kaisipan at damdamin, maaalala natin ang araw ay sisikat lalo na sa ating madilim at magulong mundo, ang SANLAKBAY ay paglalakbay ng isang bayan ng Diyos na maaring kinatawan ng parokya, isang komunidad na maglalakbay patungo sa Diyos ay ang pinahahalagahan dito ay ang bawat tao, pinapalakas ang kanyang buhay kay Kristo, ginagabayan ng Espiritu Santo kasama ng Inang Birheng Maria, yan po ang aming pagnanasa sa programang ito. Ito ay alay ng Simbahan para sa ating bayan bilang tugon sa mga problemang ating kinakaharap ngayon sa kalagayan ng ating mga kapatid na lulong sa droga,” pahayag ni Sr. Cabrera sa panayam ng Radyo Veritas.
Pahayag pa ng madre na nagkaroon na sila ng general orientation sa mga pari at volunteer, maging sa partner agencies (PNP, PDEA, LGUs, DILG) hinggil sa tamang pagtrato sa mga surrenderers.
“Nagkaroon kami ng several meetings na nagawa na at ito ay may general orientation yung mga pari at napili nilang volunteers na magbibigay ng kanilang panahon ay mabigyan natin ng preparasyon para dito noong October 15 at 20, inanyayahan din ang mga partner agencies natin mula sa LGUs, PDEA, PNP ito ay tulong tulong,” ayon pa sa madre.
Kaugnay nito, inihayag ni Sr. Cabrera na ang parokya ang pinakaligtas na lugar sa mga drug addict na nais magbago kaya’t ang lahat ng parokya ay inaanyayahan din na maging bukas ang kanilang pintuan.
Inihalimbawa ng madre ang San Roque de Manila Parish sa pamumuno ni Fr. Tony Navarrete na tumanggap na ng may 40 drug surrenderers na sumasailalim sa seminar tungo sa pagbabago sa pakikipagtulungan na rin ng mga barangay na sakop nito.
“Sa bawat parokya ay mayroon tututok sa kanila, ito ang tugon ng Simbahan kaya mismong ang ating kardinal ang nagpasimuno para sa launching ng Sanlakbay para sa pagbabagong buhay na alay sa ating mamamayan, nakita namin na ang isang magandang lugar at komunidad o grupo na tututok dito para magkaroon ng assurance na itong mga sumuko ay hindi sila matatakot, ang pinakamaganda ang safe ground ay ang parokya, ang barangay at parokya ay magkakasama, gaya ng ating pilot parish sa San Roque ni Fr. Tony Navarrete, nagsisiumula na ito tumanggap na sila ng 35-40 surrenderers, sila ay mga kalakbay. Nagmamalasakit ang parokya at sa pakikipagtukungan ng 4 na barangay,” ayon pa sa madre.
Sa record ng Philippine National Police (PNP), nasa higit 730,000 na ang drug surrenderers sa bansa simula nang manungkulan ang administrasyong Duterte.