258 total views
Buhusan natin ng panalangin ang bagong administrasyon para sa kanilang tungkulin.
Ito ang mensahe ni Commission on Human Rights (CHR) chairman Jose Luis Martin Gascon kasabay ng inagurasyon ni President Rodrigo Duterte na aniya mas magiging mabuti ang kinabukasan kung nasa atin ang Panginoon sa pamamagitan ng panalangin.
“Dapat buhusan natin ng panalangin ang bagong administrasyon sa kanilang tungkulin, wala tayong ikakatakot dahil nasa atin ang Panginoon, anuman ang mangyari sa nakaraan umasa tayo at manalangin na mas maging mabuti ang kinakaharap natin,” pahayag ni Gascon sa programang Veritas Pilipinas ng Radyo Veritas.
Ayon pa kay Gascon, patuloy nilang babantayan ang bagog administrasyon sa usapin ng karapatang pantao na kanilang tungkulin para mabantayan ang mamamayan mula sa mga pang-aabuso.
Una nang inihayag ng CHR na sa kanilang imbestigasyon matapos maghain ng reklamo ang ilang grupo ng kababaihan, guilty si president Rodrigo Duterte sa paglabag sa Magna Carta of Women kaugnay ng infamous rape joke nito sa isa sa kanyang pangangampanya.
Ipinauubaya naman ng CHR sa Civil Service Commission at sa Department of Interior and Local Government ang appropriate measures hinggil sa paglabag.
Matatandaang sa administrasyong Marcos lamang, tinatayang 75, 730 katao ang naghain ng kaso sa Human Rights Victims Claims Board (HRVCB) na sinasabing biktima sila ng Martial Law mula 1972 hanggang 1986.
Inihayag ni Pope Francis na ang karapatang pantao ay hindi lamang nilalabag ng terorismo, repression o asasinasyon kundi ng paglabag ng estado at ng lipunan sa kanilang dignidad gaya ng hindi pantay na serbisyo at hindi pantay na istraktura ng ekonomiya na nagreresulta ng malaking agwat sa pagitan ng mahihirap at mayayaman.