346 total views
Itinuturing na isa sa malaking pag-subok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Healthcare ang pagtugon sa mental health crisis ng mga naapektuhan ng digmaan sa Marawi City.
Ayon kay Fr. Dan Cancino – Executive Secretary ng komisyon, isa sa pinakamalaking hadlang sa kanilang psycho-social intervention ang lengguwahe at kultura ng mga Maranao.
Dahil dito, tinuturuan pa rin ng CBCP-ECHC ang iba pang volunteers at mga katulong nitong grupo upang maging sensitibo sa kultura ng mga apektadong indibidwal.
“Maliit lang yung nagagawa ng komisyon on mental health through our partners doon sa mga healthcare commissions, nearby dioceses, kaya ang ginagawa natin ngayon ay kina-capacitate muna natin yung mga posibleng mga partners na maging sensitibo din duon sa kultura ng ating mga kapatid na nadisplace dahil sa marawi conflict,” pahayag ni Fr. Cancino sa Radyo Veritas.
Aminado ang pari na bagamat nakapagbigay na ng mga paunang therapy sessions ang Simbahan at ang mga katuwang nitong grupo, ay malalim pa rin ang kinakailangang tugunan sa pangangailangan ng kalusugang pang-kaisipan ng mga Maranao.
“Ito yung napakalaking gap sa National Health program dahil isang challenge ay lengguwahe at kultura, mahirap kasing magbigay ng mental health assistance kung iba yung gamit na lengguwahe ng ating mga kapatid na Maranao,” dagdag pa ng pari.
Batay sa datos ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa Marawi noong ika-1 ng Agosto, umaabot sa 30,732 ang mga evacuees na kinakitaan ng mental disorder.
Mula sa naturang bilang 6,455 ang naitala sa level 2 na nangangailangan ng psycho social debriefing, 24, 199 ang nasa level 3 na nangangailangan ng one-on-one treatment, habang 78 naman ang umakyat na sa level 4 na nangangailangan ng masusing gamutan sa isang maayos na pasilidad.
Una nang inihayag sa panlipunang katuruan ng simbahan na walang sinuman ang nagwawagi sa digmaan dahil, nag-iiwan lamang ito ng labis na pangamba at kapighatian sa puso ng bawat biktima.