198 total views
Nanawagan ang CBCP -Permanent Committee on Public Affairs sa mga mambabatas na agarang aprubahan ang panukalang dagdag na dalawang libong pisong dagdas sa pension ng mga retiradong miyembro ng SSS o Social Security System.
Ayon kay Lipa, Batangas Archbishop Ramon Arguelles, chairman ng komisyon, hindi dapat naisasakripisyo ang kapakanan ng mga mahihirap at matatandang pensioners sa pansariling interes ng ilang pulitiko at mga namamahala sa SSS.
Iginiit ni Archbishop Arguelles na pasakit sa mga pensionado ang isinusulong na executive order ng SSS na sa Enero 2017 ang paunang isang libong piso at sa taong 2020 ibibigay ang dagdag na isang libong pisong pension dahil kailangan pa nila ang non – performing assets at mga hindi pa nako – kolektang kontribusyon.
“Bawasan yung mga allowances ng mga pulitiko, mga opisyal ng SSS at bigyan ng priority yung mga nangangailangan talaga, yung mga pensioners. Kung 2020 pa ibigay baka patay na sila hindi na kailangan yung dagdag,” pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Veritas Patrol.
Ikinalulungkot ni Archbishop Arguelles na mas nabibigyang prayoridad ng pamahalaan at mga mambabatas ang mga walang kabuluhang bagay tulad ng pagsusulong ng kanilang “pork barrel” sa halip na pahalagahan ang mga pensioner. “Dapat naman talaga na ang pinaghirapan ng bayan ay dumapo naman sa mga nangangailangan. Kung minsan labis – labis naman yung gastos ng gobyerno sa walang kapararaanang bagay, yung mga luxury nila, yung panonood kay Pacquiao …Kailangan na nais tumulong sa mga nangangailangan yun ang problema napapabayaan ang mga mahihirap dapat madaliin iyan. Kapag ‘pork barrel’ iyan ang bibilis nila,” giit pa ni Archbishop Arguelles sa Radyo Veritas.
Samantala, batay sa datos ng SSS nasa kabuoang 4 na milyon lamang mula 2010 ang naidagdag sa bilang ng mga miyembro nito. Nauna na ring binigyang pagpapahalaga ng kanyang kabanalan Francisco ang mga matatanda sa lipunan sapagkat sila ang kayamanan ng kasaysayan.