256 total views
Binigyang diin ni Rene Pamplona, Lay Coordinator ng Social Action Center ng Diocese of Marbel na karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng sapat at malinis na pagkain at tubig.
Ito ay matapos ang isinagawang kilos-protesta ng may mahigit 5000 magsasaka sa Kidapawan North Cotabato na walang makain.
Ayon kay Pamplona, obligasyong ipinagkatiwala ng Panginoon sa bawat tao na tulungan ang kanyang kapwa naghihirap at nagugutom.
Dahil dito, iginiit ni Pamplona na ang pagtulong sa nangangailangan lalo na sa kapwang kumakalam ang sikmura ay kalian man hindi naging usapin ng komunismo.
“Ang pagkain po ay hindi usapin ng komunismo, ang pagkain po ay isang usaping moral, at isang usaping karapatan, at ang karapatan po na iyan ay dapat nandun sa bawat isa, nandun sa bawat kalakaran nadun sa bawat anu mang usapin ng kahit na sinumang tao, duty bearer ka man o hindi ay kumakain ka, dahil ang usapin ng pagkain ay hindi usapin ng komunismo, maling mali po ang pag iisip na yan.” Pahayag ni Pamplona sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim na ng State of Calamity ang mga lalawigan ng Isabela, Quirino Bukidnon Davao Del Sur Cotabato Maguindanai at Basilan
Ayon naman sa Department of Agriculture, umaabot sa 252,176 hektarya ng lupang pansakahan ang apektado ng El Nino mula pa noong Pebrero 2015 hanggang Marso 2016 kung saan 383,743-metriko tonelada ng produktong mula sa agrikultura ang nasira na nagkakahalaga ng 5.53-bilyong piso.