240 total views
Wala pa ring suplay ng tubig at kuryente sa Ormoc City kasunod na rin ng 6.5 magnitude na lindol na nasundan din ng malakas na after shock na may sukat na 5.4 magnitude.
Sa ulat, kabilang sa labis na naapektuhan ng pagyanig ng lupa ang lalawigan ng Leyte partikular ang lungsod ng Ormoc, Kanangga at ang Lake Danao.
Ayon kay Carlos Padolina-Asst. Director for disaster response management Bureau ng Deparment of Social Welfare and Development (DSWD) bukod sa relief operations ay naghahanap na rin ng bakanteng lote ang lokal na pamahalaan para pansamantalang tutuluyan ng mga residente.
“Pinuntahan po namin ang most affected barangay na nirecommend nang irelocate, dahil ang kanilang lugar ay delikado sa landslide at ang pagkasira ng paligid. Yun pong iba nating kababayan ay lumipat na sa isang malaking open space at nagtayo ng mga temporary shelter -made of trapal dahil hindi na pwedeng tirahan ang kanilang lugar, iyan din ang aming tinutugunan,” ayon kay Padolina sa panayam ng Veritas Pilipinas.
May 600 pamilya ang una ng inilikas mula sa tatlong lungsod. Base sa ulat, dalawa katao ang nasawi, habang higit sa pitong daan ang nasaktan sa lindol.
Ang lalawigan ng Leyte ay binubuo ng 10 munisipalidad na may higit sa isang milyong populasyon na una na ring nasalanta ng super typhoon Yolanda taong 2013.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Caritas Manila sa Social Action Center ng mga apektadong diyosesis para sa paghahanda ng tulong na kailangan ng mga naapektuhan ng paglindol.
Sa isang pahayag ng Santo Papa Francisco, binigyan diin nito ang panawagan sa pagtulong para sa mga nangangailangan lalo sa panahon ng kalamidad upang maibsan ang kanilang paghihirap na nararanasan.