250 total views
Nagbahagi ng panalangin si Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo sa matinding epekto ng El Niño phenomenon na umiiral sa Pilipinas sa kasalukuyan.
Inilahad ng obispo sa kanyang panalangin ang paghingi ng tawad sa mga nagawang pagkakasala ng tao sa kalikasan.
Gayun din humingi ito ng gabay mula sa Panginoon upang maitama ang lahat ng pagkakamali ng tao at sama-samang mapanumbalik ang balanseng kalikasan.
“Sa pamamagitan nitong ginawa ng CBCP na Oratio Imperata, muli mo kaming alalahanin [Panginoon] ang aming mabigat na panunungkulan lalo na sa panahon ng climate change, nang tamang stewardship, pangangalaga sa aming kapaligiran, nawa kasabay ng aming panalangin, na humihingi ng awa sa taong ito ng Mercy, ay nawa’y gabayan mo rin kami sa aming pagkilos, para hindi naman kami umaasa lang sa iyo, sa panalangin, kundi ipakita rin naming sa aming mga pagkilos, na kami ay tumutugon sa tawag ng panahon ngayon na maging responsableng katiwala ng aming kapaligiran.” panalangin ni Bishop Arigo.
Sa kasalukuyan sa datos Department of Agriculture, umaabot na sa 252,176 hektarya ng lupang pansakahan ang apektado ng El Nino mula pa noong Pebrero nang nakaraang taon hanggang nitong Marso 2016 kung saan 383,743-metriko tonelada ng mga pananim at iba pang produktong mula sa agrikultura ang nasira na nagkakahalaga ng 5.53-bilyong piso.
Magugunitang taong 2014 pa lamang nabatid na ng PAGASA ang matinding El Niñong tatama sa Pilipinas ngayong 2016, subalit nabigo ang administrasyong mapaghandaan ito.
Kaugnay dito, isinailalim na rin ng National Disaster Risk Reduction Management Council sa State of Calamity ang mga lalawigan ng Isabela, Quirino, Bukidnon, Davao del Sur, Cotabato, Maguindanao, at Basilan.