184 total views
Nagpapasalamat ang Diocese of Balanga sa Radyo Veritas dahil sa pagtulong nito sa Simbahang Katolika na mapaigting ang pananampalatayang Katoliko sa mga Filipino.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, malaki ang naitutulong ng himpilan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita lalo na ngayon na nalalapit ng ipagdiwang ang ika -500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021.
Dahil dito, nakikiisa ang obispo sa hangarin ng Radyo Veritas kaya’t nag-alay din siya ng kaunting tulong kasabay na rin ng panawagan sa ating mga kapanalig na makiisa sa layunin ng himpilan na mapaigting pa ang pananampalataya sa bawat Katolikong Kristiyano.
“Kami ay bumabati at kami ay nakikiisa sa Radyo Veritas, yan ang aming pagdamay mula sa Diocese of Balanga kami ay nakikiisa sa inyong ginagawang kabutihang loob at pagmamalasakit sa Simbahang Katolika sa Pilipinas at ang Diocese of Balanga ay mag-aalay ng P10,000. Kami ay dapat ding magpasalamat sa ginagawa ninyong tulong at pagmamalasakit upang maipaglaganp ang pananampalataya at maihanda tayo sa ika-500 Taon ng Kristiyanismo sa bansa,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Ginaganap ngayon sa himpilan ang “Veritas 500 Telethon 2016” na may temang “Bringing Jesus to every Catholic home” na layuning humingi ng suporta sa bawat mananampalataya kung saan ang malilikom ay para tulungan na rin ang himpilan na palakasin ang social communications ministry ng Simbahang Katolika sa Pilipinas.
Ang mga dayuhang kastila ang nagpakilala ng Kristiyanismo sa bansa noong 1521. Isang Portuguese na nagngangalang Ferdinand Magellan ang naglayag at namuno sa ekspedisyon sa ilalim ng watawat ng Espanya ang dumaong sa baybayin sa Sentral sa Cebu na ang lugar na ito pinamumunuan ng isang Rajah na si Humabon at Reyna na si Juana. Tatlo ang layunin ng mga kastila ng dumaong sila sa Cebu. Una, ang pakikipagkalakaran, pangalawa, upang saklawin o sakupin ang teritoryo at ang pangatlo ang ipalaganap ang Kristiyanismo.