227 total views
Nagpaabot ng pasasalamat si incoming Catholic Bishop Conference of the Philippines CBCP-Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa mga suporta sa Diocese of Caloocan partikular na sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa usapin kustodiya ng mga menor de edad na testigo sa pagkamatay ng 17-taong gulang na si Kian Loyd delos Santos.
Ayon sa Obispo, malaking bagay ang suporta ng publiko sa pamamagitan ng pananalangin at lalo na ang pagpanig ng IBP sa pagbibigay ng legal na proteksyon at sanctuary ng Simbahan sa mga menor de edad na testigo.
“Nagpapasalamat po ako sa suporta na pinaramdam ng marami sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin, salamat din sa IBP dahil pinanigan nila yung paninindigan natin tungkol sa sanctuary…”pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radio Veritas.
Unang inihayag ni Atty. Rosario Setias-Reyes, former President ng Integrated Bar of the Philippines na may kalayaan at bahagi ng karapatan ng mga testigo na mamili ng kanilang institusyong pagkakatiwalaan na magbigay proteksyon sa kanilang buhay laban sa mga banta ng panganib.
Umaasa rin ang Obispo na dahil dito ay magkakaroon rin ng lakas ng loob ang iba pang mga kaanak ng mga biktima ng drug-related killings sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na lumantad at ipaglaban ang katarungan sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.
“sa tingin ko sana maging okasyon din ito para lumakas ang loob nung ilang mga biktima na naniniwalang inosente ang kanilang kaanak na pinatay, ito na yung pagkakataon para sila din ay lumabas, lumakas ang loob at sabihin na kailangan magkaroon ng katarungan…” Dagdag pa ni Bishop David.
Iginiit ni Bishop David na laging nakahanda ang Simbahang Katolika na magbigay proteksiyon at paggabay sa lahat ng mga nangangailangan ng tulong lalo na laban sa anumang banta ng panganib sa buhay.
Read: Simbahan bukas ang pintuan sa mga nangangailangan ng tulong
Simbahan, ipinagtanggol ng dating pangulo ng IBP.