285 total views
Labag sa diwa ng Konstitusyon ang hindi pagkakaloob sa mga mamamayan ng kapangyarihan na pumili at magluklok ng mga pinuno ng pamahalaan.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Edu Gariguez – Executive Secretary ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines kaugnay sa muling pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections na unang nakatakda sa darating na ika-23 ng Oktubre.
Giit ng Pari, dapat na ituloy ang halalang pambarangay sapagkat nararapat na manggaling sa pangkalahatang desisyon ng taumbayan ang pagpapasiya kung sino ang mga maihahalal na opisyal at hindi sa mga namumuno sa pamahalaan o mga pulitiko.
“sa bahagi natin, tayo ay tumututol sa postponement ng barangay election at ang posisyon doon, kinakailangang ituloy yung eleksyon na pambarangay dahil mas higit na mapanganib kung pipiliin mo lang yung mga ilalagay at labag ito sa mismong diwa ng Konstitusyon na dapat ang pipili ng mga pinuno na mamumuno sa kanila ay galing sa desisyon ng mga tao, pangkalahatan at hindi sa desisyon ng kung sinumang namumunong politiko…” pahayag ni Father Gariguez sa panayam sa Radio Veritas.
Kadalasang nagmumula sa mga Social Action Center ng iba’t ibang diyosesis na nasa ilalim ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines ang malawak na network ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas.
Sa ilalim ng panukala na lumusot sa ikatlo at huling pagbasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay planong gawin na lamang sa Mayo ng susunod na taong 2018 ang Barangay Elections sa halip na sa susunod na buwan.
Unang iginiit ni Sister Mary John Manansan ng Association of Major Religious Superior of the Philippines na maituturing na authoritarianism ang balak ng pangulong Rodrigo Duterte na i-appoint na lamang ang mga opisyal ng Barangay.
Read: Muling pagpapaliban sa Barangay election, isang authoritarianism
Kaugnay nga nito, pinag-aaralan na ng Commission on Elections (COMELEC) kung paano magagamit at hindi masayang ang nasa 27,950,855 balota na una nang nailimbag ng kumisyon para sa Halalang pambarangay mula sa kabuuang 59,548,410 balota na kailangan para sa lahat ng mga botante.
Nasasaad sa Article 5 ng 1987 Constitution ang karapatan sa paghahalal ng mga mamamayan, sa ilalim ng Article 5, Section 1 nakapaloob na karapatan ng lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas edad 18-taong gulang pataas ang maghalal ng mga opisyal ng bayan maliban na lamang sa mga inalisan ng karapatang ito sa ilalim ng batas.