251 total views
Ipagdiriwang ng Sanlakbay ang kanilang unang taon sa pagbibigay ng tulong sa mga drug dependent kasunod nang inilunsad na ‘war on drugs’ ng pamahalaan.
Ang Sanlakbay: Tungo sa Pagbabago ng Buhay ay isang community -based rehabilitation program-initiative nang Archdiocese of Manila sa pakikipagtulungan na rin ng Department of Health, Department of Interior and Local Government, at Dangerous Drug Board na itinatag noong Setyembre 2016.
Ayon kay Fr. Roberto Dela Cruz ng Sanlakbay at Restorative Minister ng Archdiocese of Manila, tema ng pagdiriwang ang “Butil ng Nagkakaisang Pag-asa, Hitik sa Bunga” kung saan pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang isasagawang misa ng pasasalamat sa San Sebastian Basilica Minore dakong 9 ng umaga sa October 21.
Magkakaroon din ng maigsing programa kung saan dadalo ang may higit sa 100 drug surrenderers na nagtapos sa 6 month drug rehabilitation program.
Ayon pa kay Fr. Dela Cruz, inimbitahan na rin ang Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa pagdiriwang kabilang na rin sina PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, NCRPO Chief Oscar Albayalde at iba pang opisyal ng gobyerno.
September 23, 2016 nang isagawa sa pilot parish ng San Roque De Manila ang programa at opisyal itong inilunsad noong Oct. 23, 2016.
Sa kasalukuyan ay may 12 parokya sa Maynila ang nagsasagawa ng community based rehabilitation, habang 16 pang mga parokya ang inaasahang magbubukas ng community rehab para sa mga drug surrenderers sa kanilang nasasakupan.
Ang Archdiocese of Manila ay binubuo ng 94 na parokya na inaasahang maglalagay ng mga community based rehabilitation bilang tugon sa problema ng droga sa bansa.