743 total views
Itinuturing na malaking tagumpay ni Rev.Father Edu Gariguez, Executive secretary ng Caritas Philippines ang inilabas na desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague Netherlands pabor sa isinampang kaso ng Pilipinas laban sa China hinggil sa Maritime Entitlement ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
Inihayag ni Father Gariguez na ang naturang desisyon ay nagpapatibay sa matagal ng isinusulong na karapatan at pagmamay-ari ng Pilipinas sa mga isla sa West Philippine Sea na pinipilit angkinin ng China.
“Sa bahagi natin, sa Simbahan at ganun din sa ating opisina sa paglilingkod sa mas mahihirap, tayo ay natutuwa sa lumabas na desisyon na ito, ibig sabihin hindi na pinag-aagawan kumbaga malinaw na yung desisyon na ito talaga ay pagmamay-ari ng Pilipinas at tayo ay natutuwa at isang malaking tagumpay ito pinasasalamatan din natin yung mga naging bahagi nitong proseso ng ating pagdedipensa ng ating teritoryo at ito’y pangunahin sa mga nakaraang pamahalaan,” pahayag ni Father Gariguez sa Radio Veritas.
Inihayag ng pari na isa rin itong hamon para sa kasalukuyang adminitrasyon upang ipagpatuloy ang nasimulang laban para sa soberenya ng Pilipinas sa kabila nang mga nauna ng pahayag ng China na hindi pagkilala sa naturang desisyon ng International Arbitral Court.
Paliwanag ng Pari, hindi lamang usapin ng soberenya ang isinusulong ng Pilipinas hinggil sa Maritime Entitlement sa West Philippine Sea, kundi maging ang karapatan at kalayaan ng mga Pilipinong mangingisda na makapaglayag sa karagatang pagmamay-ari ng bansa.
Unang naitala ng National Statistical Coordination Board noong 2009, na ang sektor ng mga mangingisda ang may pinakamataas na poverty rate sa bansa na umabot sa 41.4-na-porsyento habang tinataya namang umaabot sa higit sa 5-trilyong dolyar ang halaga ng kalakal na dumaraan sa naturang karagatan mula sa iba’t ibang bansa kada taon. Samantala, ang pinag-aagawang teritoryo ay saklaw ng 200-nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas batay na rin sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).