November 27, 2014

Maraming good news ngayon tungkol sa ekonomiya ng Pilipinas

Ayon sa Asian Times, ang Pilipinas daw ay malapit ng mapabilang sa mga tiger economies sa Asya. Ito rin ang inilabas na report ng Morgan Stanley Investment Management. Kamakailan nga ay itinaas naman ng Moody’s Investors Service and credit rating ng bansa. Nauna na ring itinaas ng Standard and Poor ang debt rating ng Pilipinas kung saan ay ito na ang pinakamataas sa loob ng siyam na taon. Tinagurian rin tayo ng Goldman Sachs bilang isa sa NEXT 11 na mga bansang patuloy ang paglago ng ekonomiya.Ngunit habang masarap pakinggan ang mga balitang ito, alam ba natin mga kapanalig na mas angat na ang ekonomiya ng bansang Vietnam kaysa sa Pilipinas?Ito ang realidad na binigyang katotohanan ng report mula sa National Statistical Coordination Board o NSCB, isang ahensiya ng pamalaan na nagsasagawa ng mga pag-aaral hinggil sa sitwasyon ng ating bansa. Bagaman at sa mahabang panahon ay nanatiling mas maunlad ang ekonomiya ng Pilipinas kaysa sa bansang Vietnam, ngayon ay napag-iiwanan na nga tayo ng dati’y isang maliit, magulo at mahirap na bansa.Maliban sa Vietnam, lumalabas din sa pag-aaral ng NSCB na mas nakaka-angat din sa atin ang mga karatig bansa natin katulad ng Indonesia, Thailand, Malaysia, Brunei at Singapore.Mula taong 2003 hanggang 2009 ay lumala kasi ang estado ng kahirapan sa Pilipinas. Ayon sa NSCB tumaas ng 185,000 ang bilang ng mahihirap na pamilya sa bansa, mula 3.67 million noong 2006 hanggang naging 3.86 million noong taong 2009.

Ang kabuuang laki ng mahihirap sa buong populasyon ay tumaas din ng 970,000 na mga mahihirap na Pilipino mula 22.2 million noong 2006 na umabot na sa 23.1 million noong 2009.  Maging ang poverty incidence sa bansa ay bahagyang tumaas din mula 26.4% noong 2006 patungong 26.5% noong 2009.

Hinahamon natin ang ating mga lider sa bansa, maging ang iba’t-ibang non-government at civil society groups na pagnilayan kung ano ang tunay na solusyon para masugpo ang kahirapan sa bansa. Ito ang dahilan kung bakit napag-iiwanan na ang Pilipinas ng mga karatig bansa nito. Ayon sa report ng NSCB, walong taon na tayong late o huli para sa target na poverty reduction sa taong 2009. Ngunit hindi pa huli ang lahat lalo na at mismong ang ating mga lider na ng bansa ang nangunguna para sa isang matuwid na landas para sa bansa.

Dahil dito, malaki ang hamon sa ating lahat na magsumikap pa para maabot natin ang tuwid at tunay na kaunlaran. Papayag ba tayong napag-iiwanan? Kung sama-sama ang mamamayan at ang pamahalaan sa iisang direksiyon, maging ito man ay matatag o matuwid na daan, siguradong kayang-kaya nating maging susunod na tiger economy sa buong Timog Silangang Asya at maging sa buong mundo.


by: Fr. Anton CT Pascual

Comments
One Response to “Maraming good news ngayon tungkol sa ekonomiya ng Pilipinas”
  1. mariel respuesto says:

    isa akong high school student , at masaya ako sa balita tungkol sa ating ekonomiya ! ipagpatuloy lang natin ang pagiging UNITED . gusto ko lahat tayo ay AWARE tungkol sa bagay na ito :)

Leave A Comment

CAPTCHA Image
*