326 total views
Umaapela ng suporta at pakikiisa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity para sa malaking pagkilos laban sa Death Penalty bill sa University of Santo Tomas grounds sa ika-21 ng Mayo 2017.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – chairman ng kumisyon, mahalagang manindigan ang bawat isa upang maiparating sa pamahalaan ang matinding pagtutol sa pagbabalik ng parusang kamatayan.
Hinimok ng Obispo ang mamamayan na magkaisa para ipaabot sa kasalukuyang administrasyon na palakasin pa ang rehabilitation program para sa mga nagkasala sa lipunan sa halip na isulong ang death penalty bill.
Iginiit ni Bishop Pabillo na ang pagtitipon ay isang opurtunidad upang maipaliwanag sa mas nakararami na hindi solusyon ang Death Penalty sa problema sa kriminalidad at droga ng bansa.
“Mga Kapanalig, mga kaibigan kayo po ay iniimbitahan namin, inaanyayahan namin sa isang malaking pagkilos na gagawin po sa UST Grounds sa May-21 alas-kwatro ng hapon laban sa Death Penalty, tayo po ay manindigan ngayon na sabihin natin sa ating pamahalaan na ang Death Penalty ay hindi ang solusyon sa kriminalidad, sa drug problem ng bayan at kinakailangan natin na ang gumagawa ng masama ay ma-rehabilitate kaysa sa sila ay patawan ng parusang bitay. Kaya sa May 21 araw ng Linggo mayroon po tayong programa sa grounds ng UST Campus at susundan po ito ng interfaith prayer at nang banal na misa mga bansang alas-singko ng hapon, inaanyayahan po kayong lahat na makiisa sa paninindigang itong”.panawagan ni Bishop Pabillo
Ganap na alas-kwatro ng hapon magsisimula ang Intereligious Prayer ng iba’t-ibang relihiyon sa UST Grounds na susundan ng Banal na Misa sa pangunguna ng Simbahang Katolika upang manawagan at ganap na manindigan sa kasagraduhan ng buhay.
Read” Lakbay-Buhay mass laban sa ‘death penalty’, idaraos sa UST
Lumabas sa tala ng Amnesty International na umaabot na sa mahigit 141 mga bansa ang nagbuwag sa kanilang parusang kamatayan dahil sa kabiguan nitong mapababa ang krimen.
Samantala ang naturang pagtitipon ay bahagi ng Lakbay-Buhay March Caravan laban sa Death Penalty na nagsimula noong ika-4 ng Mayo sa Cagayan de Oro na naglalayong himukin ang lahat ng mga mamamayan sa kanilang mga bayan, probinsya at lalawigan na madaraanan na suportahan ang adbokasiya laban sa isinusulong na Death Penalty Bill bago tuluyang magtungo sa Senado at mawagan sa mga Senador.