208 total views
Hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga layko na manindigan laban sa mga nagaganap na karahasan sa bansa partikular na sa madugong kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.
Pinaalala ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na pangunahing tungkulin ng mga layko na dalhin ang mensahe ni Kristo sa anumang lugar sila naroon.
Ayon sa Obispo, kailangang maging mulat ang mga layko sa mga isyung panlipunan at manindigan sa hindi tamang nagaganap sa bansa.
“Paano sila magiging aktibo? una sa lahat dapat magkaroon sila ng malalim na kamalayan, awareness sa mga nangyayari, nag-aanalyze sila. Pinag-uusapan nila at pangalawa manindigan dapat sila, magsalita sila ayon sa sinasabi ng pananampalataya, ayon sa sinasabi ng mensahe ni Kristo, dahil sila ay tagasunod ni Kristo. Hindi ayon sa kanilang political affiliations, hindi ayon sa kanilang gusto,”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Aminado si Bishop Pabillo na isa sa nagiging problema ng mga layko ay pagsunod sa kanilang mga nais na paniwalaan at pangalagaan ang political affiliation sa halip na sundin ang sinasaad ng ebanghelyo.
“Ang problema ang ibang mga layko mas pinahahalagahan pa ang kanilang political affiliations kaysa sa affiliations nila kay Kristo. Dapat ang basehan natin sa pagtingin sa lahat ng pangyayari ay ayon sa ebanghelyo hindi ayon sa sinasabi ng kung sinong pulitiko diyan o kung sinong mga lider diyan. Dahil ang lider natin ay si Hesus so yan ay panawagan sa mga layko na maging gising na at manindigan dahil yan ang tungkulin nila sa lipunan dalhin ang mensahe ni Kristo kung nasaan sila.”dagdag pahayag ni Bishop Pabillo
Ginawa ni Bishop Pabillo ang hamon kaugnay sa nalalapit na pagtitipon ng mga layko sa selebrasyon ng National Laity Week na idadaos sa Diocese of Gumaca at Archdiocese of Iloilo sa September 16-20, 2017.
Naunang binigyan diin ni CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People chairman Balanga Bishop Ruperto Santos na nagiging instrumento ng kamatayan ang war on drugs ng administrasyong Duterte.
Read: War on drugs ng administrasyong Duterte, instrumento ng kamatayan.
Ang layko ay ang mga binyagang katoliko na 99-porsiyento ng kabuuang populasyon ng simbahang katolika na
83 milyon, habang ang isang porsiyento naman ay binubuo ng mga pari at mga madre.
Una na ring nanawagan ang Santo Papa Francisco sa international lay groups na magpatuloy na ibahagi ang mabuting balita sa alinmang larangan tulad sa politika, pagnenegosyo, bilangguan maging sa kanilang mga pinaglilingkurang tanggapan.