448 total views
Pinayuhan ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs ang mga mambabatas maging ang gobyerno na ayusin muna ang sistema ng katarungan (justice system) sa bansa sa halip na ibalik ang death penalty.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng komisyon, maraming flaws ang justice system sa bansa na kailangan ng agarang solusyon gaya na lamang ng may mga naco-convict na hindi naman mga tunay na salarin.
Dagdag ng pari, napakahirap sa isang napagbintangan na mapatawan ng parusang kamatayan o di kaya sa mga nais magbagong buhay na pinagkaitan na magbalik loob sa pamilya, sa lipunan at sa Diyos.
“Baka puwede ayusin muna ang justice system natin at baka magtuloy tuloy na maging maayos ang pagpapataw hindi na ng kamatayan kundi ng pagrereporma dun sa tao. Kasi now nakikita natin dahil may problema nga sa justice system, halimbawa isang convict kapag ikinulong eh maganda pa ang buhay nila doon, nagkakamal sila ng limpak-limpak na salapi, dun pa lang nakikta natin na isa na itong flaw sa kalakaran ng hustisya. Mas malungkot dito, eh mayroon tayong napapatawan ng death penalty at hindi naman pa dapat patawan, hindi na dapat ito kino-consider para ipataw mo bilang isang parusa,” pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon pa sa pari, patuloy ang paninindigan ng Simbahang Katolika sa moral na aspekto na ang Diyos lamang ang may karapatang bumawi ng ating buhay at hindi ang estado na kuwestiyunable ang sistema ng hustisya.
“Kapag binalik ang death penalty, nakita naman natin na flawed ang ating justice system, if ganito paano ka makatitiyak na sa pagpataw mo ng death penalty, nakuha mo ang totoong guilty na tao, na hindi na frame up o hindi nabiktima ng flaw ng justice system”.
Sinabi pa ni Fr. Secillano na kahit ang pinaka-masamang indibidwal sa buong mundo ay mababago dahil sa may mga “intervention program” na ginagawa ang Simbahan upang sila ay makapagbagong buhay na wala ngayon ang gobyerno dahil parusa ng walang pag-asang magbago ang prayoridad ng pamahalaan.
“Unahin natin sa moral na aspekto, ang Simbahan ay laging naninindigan para sa buhay naniniwala ang Simbahan na may pagbabagong magagawa sa tao maaring siya ang pinaka-masama sa buong mundo pero dahil may mga intervention na ginagawa para mapabago siya hindi pinapansin ng pamahalaan. So dito magkaiba ang istratehiya na dapat na tahakin, ganyan ang Simbahan patuloy ang paninindigan na ang buhay hindi kinikitil, bigyan natin ng pagkakataon na magbagong buhay,” pahayag pa ni Fr. Secillano.
Sa pinakahuling World Congress Against Death Penalty na kada ikatlong taon ginaganap at nang magsimula ito 18 taon na ang nakalilipas 140 mga bansa na ang nagtanggal ng parusang bitay kabilang na dito ang Pilipinas dahil sa hindi naman napatunayang nagpababa ito ng kaso ng krimen.
Sa social doctrine of the Church, ang kapatawaran pa rin ang dapat manaig at hindi ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga sangkot sa karumal-dumal na krimen lalo na at hindi rin ito akma sa Christian values at nananatili ang Simbahan sa pagsunod sa utos ng Diyos na “Thou shall not kill”.