173 total views
“Itakwil ang kultura ng kamatayan.”
Ito ang kahilingan ni Manila auxiliary bishop Broderick Pabillo sa mga mananampalataya ngayong Kapaskuhan.
Ayon sa obispo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, ang pagdiriwang ng Pasko ay pagpapahalaga sa buhay dahil ito ang layunin ng pagsilang kay Hesus at pag-aalay din ng kanyang buhay sa sanlibutan.
Dagdag ni Bishop Pabillo, ang pasko ay isa ring pagkakataon para pagsisihan ang ating mga kasalanan at itakwil ang kultura ng kamatayan na hindi kailanman solusyon sa ating mga suliranin.
“Habang nagdiriwang tayo ng buhay, sana mabahala tayo kaya dapat tayo ay magsalita na pahalagahan natin ang buhay ng bawat isa, tayo ay makasalanan nang dumating si Hesus upang tayo ay iligtas at bigyan tayo ng pagkakataon na magsisi, ganun din dapat ang ating pananaw kaya una sa lahat huwag tayong pumasok sa ganitong kultura ng pananaw kaya una sa lahat huwag tayo pumasok sa ganitong kultura na ang kamatayan ang solusyon para sa ating mga problema, ikalawa, ipagdasal natin na magbago ang pananaw ng mga tao na hindi tayo papasok sa kultura ng kamatayan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Pahayag ito ng obispo sa patuloy na paglaki ng bilang ng kaso ng death under investigation na umaabot na ngayon sa 3, 993 mula July 1 hanggang December 18, 2016 kaugnay ng kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.