208 total views
Hinimok ni Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo ang bawat isa na magtulungan at maging instrumento ng Diyos sa pagpapamalas ng kanyang awa at pagmamahal.
Sa pagtatapos ng ika-4 na World Apostolic Congress on Mercy at kasalukuyan pagdanas ng maraming mga residente sa Mindanao ng pagbaha dulot ng walang patid na pag-ulan, sinabi ni Bishop Pabillo na hindi dapat mawalan ng pag-asa at pananampalataya sa awa ng Diyos.
Paninindigan ng Obispo, palagi nariyan ang awa ng diyos bagamat nakakaranas tayo ng pinsala mula sa mga kalamidad at ito ay isang panawagan para sa mga hindi naapektuhan na tumulong at ibahagi ang sarili sa mga nangangailangan.
“Sana hindi sila mawalan ng pag-asa na ang Diyos ay mahabagin, ibig sabihin makakaahon din sila sa ganitong kalagayan nila at sila’y magtulungan [dahil] sa kanilang solidarity o pagtutulungan maipapadama sa isa’t-isa na hindi sila nag-iisa at ganun din po sa mga taong hindi naapektuhan, ang ating pagtulong sa mga naapektuhan ano mang kalamidad ay pagpapakita ng habag ng Diyos sa mga taong nasalanta ng kalamidad.”pahayag ni Bishop Pabillo.
Magugunitang patuloy ang pag-apela ngayon ng tulong ng iba’t-ibang diyosesis sa Mindanao matapos lumubog sa baha ang maraming kabahayan partikular na sa Cagayan De Oro, Agusan Del Norte, Davao Del Norte at Compostela Valley.
Kasalukuyan na rin ngayon nangangalap ng pondo ang Caritas Manila, ang social Arm ng arkidiyosesis ng Maynila para matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Inihayag ni Caritas Manila executive director Father Anton Pascual na magpapadala ang social arm ng Archdiocese of Manila ng pondo para sa mga fiber glass boat na gagamitin sa rescue at relief operations sa Mindanao.
Sa ulat ng United Nations noong taong 2015, ika-apat ang Pilipinas sa mga bansang pinaka-nakararanas ng mga kalamidad sa buong mundo.