190 total views
Itatatag ng Diocese of Kalookan ang isang Human Rights Council na tututok at magbabantay sa tumataas na insidente ng pagpatay sa CAMANAVA o Caloocan, Malabon,Navotas at Valenzuela area.
Ayon kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Cultural Heritage of the Church at incoming CBCP Vice-President, bubuuin ang Human Rights Council ng mga kinatawan mula sa local government units, Simbahan at mga civil society groups.
Positibo si Bishop David na sa pamamagitan ng H-R-C ay mas madaling mamo-monitor at mababantayan ang imbestigasyon at pag-usad ng kaso ng pagpatay ng mga vigilante group sa CAMANAVA.
“Kailangan talaga ng imbestigasyon at kaya nagbabalak kami na magtayo ng Human Rights Council, sisimulan namin sa Caloocan sana sa bawat bayan magkaroon ng ganoon, parang a Human Rights Council na represented yung local government units, yung Simbahan at ang ibang mga civil society groups para namo-monitor natin itong mga killings…”pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radio Veritas.
Unang ibinahagi ni Bishop David ang pakikipagpulong sa mga alkalde ng Navotas, Caloocan at Malabon na tatlong lungsod na nasa ilalim ng Diocese of Caloocan upang hinimukin ang mga itong puspusang isulong ang imbestigasyon at pagbibigay katarungan sa mga kaso ng pagpatay sa tatlong siyudad.
Paglilinaw ng Obispo, kaisa ng pamahalaan ang Simbahan sa pagkondina at pagnanais na puksain ang paglaganap ng illegal na droga na maituturing na isang salot sa lipunan ngunit hindi dapat sa pamamaraang marahas at hindi makatao.
Kaugnay nito, batay sa huling tala ng Philippine National Police sa mahigit na 60-libo anti-drug operations ay umaabot na sa higit sa 3-libo ang mga napaslang matapos lumuban sa mga otoridad habang mahigit sa apat na libo ang kaso ng extra-judicial killings sa war on drugs ng pamahalaan.