257 total views
Ito ang binigyang-diin ni Center for Lumad Advocacy Networking and Service Incorporated o CLANS Executive Director Geming Alonzo kaugnay sa mga akusasyon na idinidikit sa tribu.
Ayon kay Alonzo, totoong serbisyong pang-edukasyon para sa mga kabataang Lumad ang tanging nais ng mga katulad niyang guro at hindi ang titulong ibinabato sa kanila ng mga tao na tulad ng ‘leftist’ o rebelde.
“Itigil na nila ang pangha-harass sa aming mga guro, itigil na nila ang paggagawa ng mga trumped-up charges dahil serbisyo ang ibinibigay ng aming mga guro at hindi yung iniisip ng mga malisyoso nilang pag-iisip na kami ay mga guro ng NPA (New People’s Army} dahil kami ay mga guro na nagbibigay ng boluntrayong serbisyo,” panawagan ni Alonzo sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag din ni Alonzo na matindi ang pinsalang naidulot ng Martial Law sa mga estudyanteng Lumad kung saan ang mga paaralan na dapat sana’y lugar ng kapayapaan ay nagiging sentro na ngayon ng takot at panganib para sa mga mag-aaral.
“Ang school ay zone of peace, kung may military doon na armado siyempre unang-una matatakot yung mga bata. Itigil na ang Martial Law kasi malaki na ang epekto niya sa mga bata at Lumad communities” pahayag ni Alonzo.
Iginiit ni Alonzo na mga inosenteng estudyante ang pangunahing naaapektuhan ng batas militar dahil karaniwang ginagawang kampo ng mga sundalo ang mga silid aralan na kasamang binobomba at sinusunog ng mga kaaway.
Dahil sa militarisasyon, sa kabuuan ay umabot sa 87 ang paaralang Lumad sa buong Mindanao ang hindi na napapakinabangan kung saan 4,736 libong mga estudyante ang hindi na nakapagpatuloy sa pag-aaral at 230 volunteer teachers ang apektado sa nagaganap na bakbakan.
Magugunitang ika-23 ng Mayo 2017 nang ideklara ng pamahalaan ang pagsisimula ng Martial Law sa rehiyon ng Mindanao dahil sa nangyayaring sagupaan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at Maute Group sa Marawi City na magtatagal hanggang sa ika-31 ng Disyembre.
Kasabay ng pagpapahalaga sa edukasyon, una nang inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang pagpapanatili ng seguridad at proteksyon sa lipunan ang dapat bigyang-pansin ng mga lider ng bawat bansa.