306 total views
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Simbang Gabi (Misa de Gallo) sa San Jose Manggagawa parish church, Tondo, Manila.
Ipinaalala ng Kardinal sa mamamayan na panatilihin si Hesus na sentro ng buhay dahil siya ang pinakamagandang regalo mayroon tayo ngayon.
Ikinalulungkot ni Cardinal Tagle na unti-unti nang napapalitan ng mga materyal na bagay ang selebrasyon ng Pasko sa kasalukuyan.
Mensahe ng Kardinal, napapalitan na ng sobre, bonus, mamahaling cellphone, magagandang damit,mamahaling palamuti at masasarap na pagkain ang pagdiriwang ng Pasko ng mga Pilipino.
“Napakalungkot na ipinagpalit si Hesus. Iyon po ang unang aral sa atin. Sa isang linggo Pasko na, talaga bang tatanggapin natin si Hesus, ang Emmanuel, ang Diyos sa piling natin? Kasi po para tayong si Haring Acaz kapag sinabing Pasko, ang gusto natin sobre, bonus, regalo, bagong damit, bagong cellphone, sana may hamon, sana mayroong keso, hindi ko sinasabing masama lahat yan. Pero kung minsan iyan ang kinakapitan, si Hesus balewala.”paglilinaw ni Cardinal Tagle
Nilinaw ni Cardinal Tagle na dapat tayong maging katulad ni San Jose at Maria na pinahalagahan ang ibinigay na regalong buhay ng Diyos na si Hesus sa hindi inaasahang panahon at pagkakataon.
“Si Hesus ay dumating noong unang pasko na hindi inaasahan ng kanyang mga naging magulang at sa panahon dapat tayong maging katulad ni San Jose at Maria na pinahalagahan ang regalong buhay na ibinigay ng Diyos sa hindi inaasahang panahon at pagkakataon.”dagdag pahayag ni Cardinal Tagle
Nanawagan ang Kardinal sa mga mananampalataya na igalang ang buhay na espesyal na regalo ng Panginoon tulad ng buhay sa sinapupunan at mga itinuturing na salot ng lipunan.
“Halimbawa dalawa na ang anak niyo,tapos nadiskubre niyo nagdadalantao,sasabihin niyo wala sa plano. Wala sa plano ano gagawin mo? Ipalaglag mo ang bata? Wala nga sa plano mo pero baka regalo iyan ng Diyos.Ikaw ba ay makakalikha ng buhay? Igalang iyang buhay, igalang yan! Lahat ba parang nakakasira sa panlasa natin ay kailangang sugpuin o baka dapat tingnan, marahil mayroong pinapadala ang Diyos na misyon sa atin. Kailangan ng pananaw, ng pananamplataya katulad ni Jose”.pahayag ng Kardinal
Tiniyak ni Cardinal Tagle na si Hesus ay dumarating sa hindi inaasahang pamamaraan para magbigay ng pag-asa sa mga nananalig at hindi napanghihinaan ng loob.
Kaugnay nito, nanawagan si CBCP Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa mamamayan na itakwil ang kultura ng kamatayan ngayong pasko.
read: http://www.veritas846.ph/itakwil-ang-kultura-ng-kamatayan-ngayong-pasko-bp-pabillo/