186 total views
Pinuri ni Department of Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno ang pagdami ng Faith-based Rehabilitation Program ng iba’t ibang relihiyon sa bansa.
Ayon sa kalihim, isang mabuting paraan upang mahikayat na makapagbalik loob sa Panginoon at sa moral na pamumuhay ang panghihikayat ng religious sectors sa pamamagitan ng pagbibigay ng counseling at iba pang programa para sa mga drug dependents.
“Ang problema lang kasi nung primero ang nagre-recruit kasi [ay mga] pulis, so konti lang ang pumunta dahil pulis, takot na sila, parang may trauma na sila sa pulis. Pero this time ang sabi ni Presidente, mas maganda pa itong faith-based intervention kasi yung mga malala na talaga wala na tayong magagawa doon pero itong mga bago palang, this faith-based intervention ay napaka gandang experience,” pahayag ni Sec. Sueno.
Sa tala ng Philippine National Police, umaabot na sa 4,000 ang napatay sa laban kontra iligal na droga ng pamahalaan mula noong Hunyo 2016 habang mahigit 700, 000 naman ang mga sumuko at isasailalim sa mga faithbased at community based rehabilitation programs.
Magugunitang nitong Oktubre inilunsad ng Caritas Manila Restorative Justice Ministry ang Sanlakbay sa Pagbabagong Buhay – Community based drug Rehabilitation Program, na layuing umagapay at samahan ang mga drug dependents sa kanilang paglalakabay upang makapagbalik loob sa Panginoon at sa pagkakaroon ng moral na pamumuhay.