335 total views
Naninindigan si Diocese of Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez na lubos na kinakailangan ng “ecological conversion” upang maisabuhay ang encyclical ni Pope Francis na Laudato Si.
Ayon sa Obispo, upang matupad ang hamon ng Santo Papa, kinakailangan ng bagong pamamaraan sa pangangalaga ng kalikasan na hindi lamang prayoridad ang teknolohiya at ekonomiya.
Iginiit ng Obispo na mahalagang mabalikan ang pagpapahalaga sa mga aspetong moral, kultura at pakikipag-ugnayan sa kapwa tao upang mapagtulungang maibalik ang integridad ng kalikasan.
“The Holy Father said, let us have a new paradigm, a new model which is not purely technological and economic but we also have to put in the ethical dimension, cultural dimension, social dimension, integral ecology is what the Holy Father was aiming at,” pahayag ni Bishop Gutierez sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon sa National Aeronautics and Space Administration, noong 2016 ay umabot na sa 0.99 o halos 1 degree Celsius ang average global temperature.
Lubha itong ikinababahala ng mga makakalikasang grupo, dahil ang patuloy na pagtaas ng temperature ng daigdig ang dahilan ng malalakas na mga bagyo na pumapasok sa Pilipinas tulad ng Super Typhoon Yolanda.
Kaugnay nito, iginiit ni Pope Francis sa Laudato Si na dahil sa pag-abuso ng tao sa kapaligiran ay tao rin ang nagiging biktima ng mga sakunang bunga ng pagkasira ng kalikasan.