196 total views
Malaking pagkakataon ang 15 places of mercy upang masaksihan ng lahat ng mga bumabatikos sa Simbahan na hindi lamang ito puro salita kundi may ginagawa para sa tao.
Ayon kay Diocese of Malolos, Bulacan Social Communications Ministry Director Rev. Fr. Nick Lalog, ang Simbahan ay mula’t sa mula ay palagi ng nangangalaga sa buhay sapagkat ito ay kaloob ng Diyos.
Iginiit pa ni Fr. Lalog na bahagi ito ng pagtugon ng Simbahan sa panawagan ni Hesus na pagmimisyon sa mga dukha at nangangailangan.
Patunay lamang aniya ang 15 places of mercy na pinuntahan ng halos tatlong libong foreign delegates ng 4th World Apostolic Congress kasama ang iba pang gawaing apostolado ng Simbahan.
Binanggit rin ni Fr. Lalog ang Galilee Homes sa Dona Remedios Trinida sa Sta. Monica Prish sa Angat, Bulacan na nangangalaga sa mga biktima ng ipinagbabawal na gamot.
“Ang Simbahan magandang malaman ng mga tao hindi lamang ng mga foreign delegates kundi ng lahat at lalahatin ko na hindi lang dito sa Diocese of Malolos kundi sa lahat ng diyosesis sa buong Pilipinas. Ang Simbahan ever since palaging nangangalaga sa buhay sapagkat ito ay bigay sa atin na misyon ng ating Panginoong Hesukristo. Ang sabi niya sa ebanghelyo si Hesus ay naparito hindi upang mawalan kundi magkaroon ng buhay ang lahat ng tao. Kaya ito ay isang konkreto at practical application ng Divine Mercy kaya sila nagpunta sa 15 places of Mercy para masaksihan at maranasan nila ano ba yung ginagawa ng mga pari, mga madre at mga volunteers na nasa marginalize,” bahagi ng pahayag ni Fr. Lalog sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa mga naunang pahayag, una nang binanggit ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., na ang dakilang habag ng Panginoon ay walang hanggan na iniaalok sa lahat ng tao kabilang na ang mga nagkasala.
Giit ng Obispo, maging ang mga ito pa ay tinatawag na salot sa lipunan o ang mga nalulong sa ilegal na droga.
Dagdag pa ni Bishop Bacani ito ang naipagkait sa mga biktima nang pagpaslang na inuugnay sa droga–ang pagkakataon para makapagbago at magsisi sa kanilang kasalanan.
Base sa datos ng Philippine National Police, tinatayang may higit na sa anim na libo ang napapaslang dahil sa ‘drug war’ kabilang na dito ang tinatawag na ‘death under investigation’.
Patuloy naman ang panawagan ng simbahan laban sa pagpaslang habang patuloy din ang pakikipagtulungan sa pamahalaan para sa rehabilitasyon ng mga lulong sa droga sa pamamagitan ng pagbibigay ng paghuhubog at masisilungan para sa mga biktima ng droga.
Kabilang na dito ang Sanlakbay ng Caritas Restorative Justice Ministry ng Archdiocese of Manila-isang church based rehabilitation program sa mga simbahan katuwang ang mga institusyon ng simbahan, local na pamahalaan, Department of Health at Department of the Interior and Local Government.