225 total views
Ilulunsad ng Our Lady of Lourdes Parish sa Diocese of Novaliches ang community-based rehabilitation program bilang tugon sa kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga.
Ayon kay Fr. Luciano Felloni, parish priest ng parokya at SSDM coordinator ng diocese, sa nasabing programa inaanyayahan ang lahat ng mga drug user at pushers sa lugar na sumuko na upang hindi mabiktima ng extrajudicial killings na laganap ngayon sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Fr. Fellonio, magaganap ito sa Barangay Hall 104 ng Camarin Kalookan sa September 1, 2016 alas 8:00 ng umaga at ang lahat ng surrenderees ay sasamahan nila sa City Hall ng lungsod kung saan naroon ang tanggapan ng pulisya.
Nakapaloob sa programa ng Diocese ang apat na aspekto para sa rehablitasyon ng mga susukong sangkot sa ilegal na droga sa kanilang lugar kabilang na dito ang kahalagahan ng pamilya; pangkabuhayan; spirituality at psycho-social intervention.
“So bumuo kami ng community-based rehabilitation program, sa side ng Simbahan ang 4 na aspekto Una ang family, treatment ng family nila, I contacted Couples for Christ at ang Family and Life Ministry ng parokya ko, kung saan ang CoC will focus on marriage at yung FLM will focus on parenting; 2nd ang Livelihood, andito ang Social Services and Development Ministry in-charge dito, we will coordinate with TESDA; 3rd ang Spirituality, offer naming sa kanila ang ready-made modules like life in the spirit seminar, Jesus In Me , and all this kinds of seminar sa Church at ipo-focus to the same group sa mga under rehabilitation at 4th ang psycho-social intervention dito papasok ang psychiatrist, teaching about dependents how to get rid of it, nakausap ko ang CEFAM, they will send some volunteers and counselors and trained people from the local place for counseling, dito papasok yung sa medical, psychologist at counselor,” ayon kay Fr. Felloni sa panayam ng Radyo Veritas.
Nilinaw ng pari na sakop ng kanilang programa ang mga community-based cases lamang.
“After surrender ,the medical worker comes in, they will categorize yung mga surrenderee, some of them are recommended for in house so wala kaming ganyang program. Yung mga community based rehab yun lang ipapasa sa amin.” ayon pa sa pari.
Ayon kay Fr. Felloni, mahalagang masubaybayan ang mga surrenderees sa kanilang rehabilitasyon upang mabigyan sila ng pagkakataong gumaling at makapagbagong buhay.
“Kailangang mabigyan ng chance for healing, kailangang subaybayan ang proseso ng pagbabago” ayon sa pari.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 40 na sangkot sa droga sa lugar ang nagpahayag ng pagsuko at umaasa sila na madadagdagan ito sa September 1 bagamat may takot lalo na at ipapadeklara sa kanila kung saan nila kinukuha ang kanilang supply na droga.
Dadalo sa launching ng community-based rehab program si Bishop Antonio Tobias, mga opisyal ng DILG, media, Barangay officials, Mayor at mambabatas mula sa Kalookan City.