248 total views
Ipinapasalamat ng Diocese of Gumaca ang mabilis na tugon ng Caritas Manila at Radio Veritas sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng kalamidad sa lalawigan ng Quezon.
Ayon kay Rev. Fr. Tony Aguilar Social Action Director ng Diocese of Gumaca, hindi biro ang pinsala na idinulot ng bagyong Nina sa ilang mga munisipalidad sa lalawigan ng Quezon kaya naman labis ang kanilang galak na tumugon ang Caritas Manila at Radyo Veritas sa kanilang panawagan.
Sinabi ni Fr. Aguilar, na ang gawain ito ng Simbahang Katolika ay pagpapakita lamang ng malasakit ng Simbahan sa mga mamamayan na naapektuhan ng kalamidad at pagpapatunay na laging narayan ang Simbahan para umagapay at sumaklolo sa mga nangangailangan.
“Ang tawag dito sa ginagawa ng ating Simbahan sa pamamagitan ng Caritas at Veritas ito ay tinatawag nating malasakit at pagdamay sa mga kapatid natin na nangangailangan lalo na sa mga naapektuhan nitong katatapos lamang na bagyong Nina,” pahayag ni Fr. Aguilar.
Magugunitang noong ika-28 ng Disyembre bago ang pagtatapos ng taong 2016 ay naghatid ang Caritas Manila at Radyo Veritas ng may 600 relief goods, 200 thermos at 200 hygiene kits sa Diocese of Gumaca kung saan tinatayang aabot sa 7 munisipalidad ang labis na naapektuhan ng bagyong Nina.
“Kami po ay nagpapasalamat sapagkat sa pamamagitan ninyo ang mga Simbahan ang diyosesis at mga parokya ay nagkakaroon ng pagkakataon din para makatulong sa kanila sa pamamagitan ng inyong tulong,” dagdag pa ni Fr.Aguilar.
Sa datos ng NDRRMC aabot sa mahigit 400 na raang libong pamilya ang naapektuhan ng bagyo particular na sa Bicol region at mga karatig nitong lalawigan.
Una ng nagpahayag ang Archdiocese of Manila ng layuning tumulong sa mga napinsala ng kalamidad kung saan nagsagawa ito ng second collection sa mga misa nito noong sabado at linggo para itulong sa mga biktima ng kalamidad.
Read: http://www.veritas846.ph/special-collection-sa-mga-misa-para-sa-mga-biktima-ng-bagyong-nina/